Share

Chapter 15

Author: Miss Juris
last update publish date: 2020-09-29 13:00:49

          “KAPIT KA ng mabuti,” sabi ni Adrian sa kanya.

          Agad sinunod ni Nami ang sinabi ng binata at yumakap ng mahigpit sa beywang nito. Lumakas ang kabog ng dibdib niya, isipin pa lang niya na ililipad siya ni Adrian ay talagang kinakabahan na siya. Ngunit ng maramdaman na yumakap sa kanya ang binata, parang tinangay ng hangin ang kaba niya.

          Napalingon siya sa paligid ng makitang napalibutan sila ng manipis na ulap at lumitaw ang maliliit na ilaw na parang kulisap. Pagkatapos ay naramdaman niya ang marahan ihip ng hangin.

          “Close your eyes,” sabi ulit nito.

          Pinikit niya ang mga mata. Mayamaya, biglang naramdaman ni Nami na lumakas ang hangin. Pagdilat niya, napasigaw siya ng malakas at literal na napayakap ng mahigpit kay Adrian ng makitang nakalutang sila ng hangin at lagpas na sila sa pinakamataas na building.

          “Adrian! Baka mahulog ako! Huwag mo akong bibitiwan!” tili niya.

          Natatawang hinigpitan nito ang hawak sa kanya.

          “I got you, relax!” sabi nito.

          Nawala ang takot niya ng makitang pumapagaspas ang pakpak nito. Pagkatapos ay napatingin siya sa binata.

          “Wow, you really are an angel,” tulalang sabi ni Nami.

          “Kaya nga huwag kang matakot, hindi kita papabayaan,” sagot ni Adrian.

          Tumango siya. Mula doon ay lumipad sila nito sa mas mataas, hanggang sa wala na siyang makita sa ibaba kung hindi ang mga ulap. Dinala siya ni Adrian sa tuktok ng isang tila bundok, at doon sila bumaba.

          “Teka, paano nagkaroon ng bundok dito? Wala tayong nadaanan na bundok di ba?” nagtatakang tanong niya.

          Tumawa si Adrian. “Nasa ibang lugar na tayo, Nami.”

          “Nasa langit na tayo?” tanong pa niya.

          “Wala pa, hindi makikita ng ordinaryong mga mata ang langit. Nasa mas mataas pa ‘yon. Itong lugar na ito, dito ako naglalagi kapag gusto kitang makita pero hindi ako makababa sa lupa,” sagot ni Adrian.

          Napalingon siya dito.

          “Nakikita mo ako mula dito?”

          Marahan itong tumango.

          “Look at the sunset, ito ang pinakamagandang lugar para panoorin ang paglubog ng araw. Kapag nalulungkot ako, dito din ako pumupunta,” sabi ng binata.

          “Wow, ang ganda,” manghang bulalas ni Nami.

          Parang nagkulay ginto ang mga puting ulap ng tumama sa mga ito ang kulay kahel na sinag ng araw. Everything that her eyes see that moment are all breathtaking. Parang hindi totoo at nasa isang maganda siyang panaginip.

          “You like it?” tanong pa ni Adrian.

          Nakangiting tumango siya. “Sobra,” sagot niya.

          Mayamaya ay tumingin si Nami kay Adrian at biglang yumakap dito. Napapikit siya ng maramdaman niya ang mga braso nito sa kanyang likod.

          “Thank you for making me happy,” sabi niya.

          Napangiti siya ng maramdaman na hinalikan nito ang ulo niya.

          “Kahit ilang beses kong paulit-ulitin, hindi ako magsasawang sabihin kung gaano kita kamahal,” sagot ni Adrian.

          Magkayakap na pinapanood nilang dalawa ang unti-unting paglubog ng araw. Nang lumamig ang ihip ng hangin, yumakap ang mga pakpak nito sa kanya.

          “Nami,” tawag niya.

          “Hmm?”

          “May tiwala ka naman sa akin, di ba?” tanong ni Adrian.

          “Oo naman, magdududa pa ba ako sa’yo?” sagot niya.

          “Wala lang, gusto ko lang marinig ang sagot mo,” anito.

          Yumakap pa si Nami ng mas mahigpit sa nobyo. Tumingala siya at sinalubong ni Adrian ang kanyang mga mata. Nang halikan siya nito, mabilis siyang tumugon at yumapos sa leeg ng binata. Hanggang sa naramdaman na lang niya ang muling pag-angat ng kanilang mga paa, pagkatapos ay marahan silang umikot habang nakalutang sa ibabaw ng mga ulap ng hindi napuputol ang kanilang halik.

          Nang matapos ang halik na iyon, saka lang niya nakita na naroon na pala sila sa loob ng bahay at bumalik na sa normal na anyo si Adrian. Muli siyang yumakap sa nobyo, sa pagkakataon na iyon siya naman ang humalik dito.

          “Ayokong matapos ang sandaling ito. Please, let him stay with me. Kung pagiging makasarili ang maitatawag dito, humihingi po ako ng kapatawaran. Si Adrian lang ang naging dahilan kung bakit ko naramdaman ang tunay na kahulugan ng masaya. Nakikiusap po ako sa Inyo, huwg n’yo na siyang kunin sa akin,” taimtim na dalangin ni Nami sa kanyang isipan.

          Habang magkalapat pa rin ang kanilang mga labi. Umagos ang mga luha niya, nang lumayo sila sa isa’t isa, doon lang nakita ni Nami na lumuluha na rin pala si Adrian. Nang mga sandaling iyon, bigla siyang nakaramdam ng takot. Pakiramdam niya ay mawawala na lang ulit sa kanya ang nobyo.

          Walang sinabi si Adrian, basta na lang siya nito niyakap. At sa unang pagkakataon, narinig niyang umiyak ito. Hindi niya alam kung bakit. Ayaw din malaman ni Nami ang dahilan, ayaw niyang marinig ang sagot na baka hindi niya gustong marinig kahit kailan.

          PAGDILAT ni Nami, agad siyang binalot ng takot ng bumungad sa kanya ang dilim, at tanging ang ilaw na nanggagaling sa itaas ang nagsisilbing liwanag niya. Kahit anong lingon niya ay wala siyang makita kung hindi dilim.

          “Adrian!” tawag niya.

          Ngunit ang echo lang ng kanyang tinig ang sumunod na narinig.

          “Nasaan ba ako? Adrian? May tao ba diyan?!”

          Sa pangalawang pagkakataon ay ang sariling tinig ang kanyang narinig. Napapitlag si Nami ng may marinig siyang isang boses ng babaeng umiiyak.

          “Sino ka?” nanginginig sa takot na tanong niya.

          “Angela, ading,” sabi ng isang pamilyar na tinig.

          Parang may sumipa ng malakas sa kanyang dibdib matapos makilala ang nagma-may-ari ng tinig na iyon.

          “Ate? Ate Nikki?”

          Napasigaw si Nami ng biglang lumitaw ang kanyang kapatid sa gitna ng dilim, umiiyak ito, may dugong umaagos sa ulo nito pababa at nasusunog ang buong katawan ni Nikki.

          “Ate!” umiiyak na sigaw niya.

          Umangat ang kamay ni Nikki. “Samahan mo ako dito, Angela. Ang lungkot ko dito, halika, lapitan mo ako, sumama ka sa akin,” umiiyak na sabi nito.

          “Ate…”

          “Halika dito…”

          Sinubukan ni Nami na humakbang pero parang kay bigat ng mga paa niya. Tila ba may pumipigil sa kanyang lumapit. Hanggang sa biglang dumating ang isang itim na anghel.

          “Ano pa ang hinihintay mo? Lumapit ka na! Hindi ka ba naaawa sa kapatid mo? Malungkot siya, nag-iisa!”

          Nagpalipat-lipat siya ng tingin sa dalawa, hanggang sa may kamay na humawak sa kanyang kamay. Paglingon ni Nami, nakita niya si Adrian sa anghel na anyo nito at may hawak na espada.

          “Huwag kang maniniwala sa nakikita ng mga mata, nililinlang ka lang ng kalaban,” pigil sa kanya nito.

          “Kaya mo bang pabayaan ang kapatid mo?! Wala kang nagawa para sa kanya noong naghihirap siya hanggang sa namatay siya! Pagkakataon mo na ‘to! Sumama ka na sa Ate mo!” pang-uudyok sa kanya ng itim na anghel.

          Napatingin siya kay Nikki ng lalo itong umiyak.

          “Sumama ka sa akin, Angela! Nalulungkot ako dito!”

          “Ate…”

          Humigpit ang hawak sa kanya ni Adrian. “Hindi totoo ang nakikita mo, Nami! Gumising ka! Hindi siya ang kapatid mo!” giit ni Adrian.

          Bago pa siya muling makahakbang. Tinakpan nito ang kanyang mga mata, ilang sandali ang pinalipas nito bago tanggalin iyon. Bigla siyang napasigaw at agad na nagtago sa likod ni Adrian ng makitang isang demonyo na ang nasa harap niya at hindi ang kanyang kapatid.

          Napalingon sila sa itim na anghel ng sumigaw ito ng malakas dahil sa galit. Pagkatapos ay bigla itong nawala, pati ang demonyo na nagpanggap na kapatid niya at tanging silang dalawa na lang ni Adrian ang natira. Mula sa dilim ay napunta silang dalawa sa ibabaw ng rooftop building kung saan niya unang nasaksihan na naging anghel si Adrian.

          “Ligtas ka na,” sabi nito.

          Noon lang siya napanatag, yumakap si Nami ng mahigpit sa binata. “Salamat at dumating ka,” aniya.

          “Mag-iingat ka lagi, Nami,” sabi ni Adrian.

          Nagtaka siya sa sinabi ng binata, agad siyang lumayo at tumingin dito.

          “Bakit parang nagpapaalam ka?” tanong niya.

          “Ito na ang huling pagkikita natin,”

          “Ano?” hindi makapaniwalang tanong niya, agad na umagos ang luha mula sa

kanyang mga mata.

          Hindi na sumagot si Adrian, nang umatras ay agad niyang hinawakan ng mahigpit ang kamay nito.

          “Hindi, hindi ka aalis! Sabi mo hindi na ako iiwan!” giit niya.

          Walang nagawa si Nami kung hindi ang umiyak ng umangat ang paa ni Adrian.

          “Adrian, no! please!”

          “Mahal na mahal kita, Nami. Lagi mong tandaan ‘yan,” sabi pa nito.

          Lumuluha na ngumiti sa kanya ang binata. Hanggang sa tuluyan na niyang nabitiwan ang kamay nito. Sa paglipad nito pataas, walang nagawa si Nami, kung hindi ang umiiyak.

          “Adrian,” bulong niya.

          Hanggang sa tuluyan ng mawala si Adrian sa kanyang paningin.

          Biglang bumalikwas ng bangon si Nami.

          “Adrian!” sigaw niya.

          Nakahinga siya ng maluwag ng makita na naroon siya sa loob ng kuwarto. Napalingon si Nami ng biglang bumukas ang pinto at mabilis siyang nilapitan ni Adrian.

          “Hey, are you okay?” tanong pa nito.  

          Nang makita niya ng malapitan si Adrian ay saka lang siya napanatag ng husto.

          “Nami, I’m asking you if you’re okay? Masama ba ang napanaginipan mo?” tanong nito.

          Imbes na sumagot ay yumakap siya sa nobyo.

          “I’m fine, you’re here, kaya okay na ako,” sagot niya.

          Gumanti ito ng yakap at hinagod ang likod niya. “Tell me about your dream,” anito.

          Kinuwento ni Nami ang napanaginipan niya. Bumuntong-hininga si Adrian,

saka siya inalalayan mahiga ulit.

          “Makinig kang mabuti sa akin, Nami. You’ve seen a lot, mga bagay na hindi kayang ipaliwanag ng isang pangkaraniwang tao. Kaya maging alerto ka sa paligid mo simula ngayon. Maging maingat ka sa mga taong nakakausap mo, hindi mo alam, kalaban na sila. Kapag medyo nakakapagduda ang mga nangyayari sa paligid mo, huwag kang basta maniniwala sa mga nakikita ng mga mata mo,” bilin nito.

          Muli siyang bumangon. “Sabihin mo nga sa akin ang totoo, Adrian. May nangyayari bang hindi ko alam?” deretsong tanong niya.

          Pumikit ito saka humugot ng malalim na hininga.

          “Natagpuan na namin ang ikalawang Praelia, o archanghel, pero dahil doon, sinusubukan ng mga kampon ni Lucifer na mabaling sa iba ang atensiyon namin. Para hindi mabuo ang Pitong Archanghel ng ikalawang henerasyon.”

          “Anong ibig mong sabihin?”

          “Alam ng mga kalaban na nabuhay kami bilang isang normal na tao. At dahil doon, ang naging target nila ay ang kahinaan namin. Ang mga mahal namin sa buhay, at sa kaso ko, ikaw ang target nila.”

          Biglang nakaramdam ng takot si Nami.

          “Iyon ba ang dahilan kaya sinasabi mo na huwag akong basta lalabas?” tanong niya.

          Marahan itong tumango.

          “Ang panaginip mo, gawa iyon ng kaaway, kung nagpadala ka at sumama sa nagpanggap na kapatid mo. Baka hindi ka na nagising dahil ibig sabihin noon ay nakuha na nila ang kaluluwa mo,” sabi ni Adrian.

          “Ibig sabihin, hindi ordinaryong panaginip ‘yon?” hindi makapaniwalang tanong niya.

          Tumango ulit ang binata.

          “Pero nandoon ka rin sa panaginip ko,” ani Nami.

          “Alam ko, kusa akong pumasok sa panaginip mo para maprotektahan ka. Hindi ka nila malapitan dahil nakabantay ako sa’yo, kaya alam ko na sa panaginip sila aatake,” sagot nito.

          Ngumiti si Nami, saka hinaplos ang pisngi nito.

          “Thank you,” mahina ang boses na sabi niya.

          “I love you, and it’s my responsibility to protect you,” sagot ng binata.

          Isang mariin na halik ang ginawad niya sa nobyo. Hindi alam ni Nami kung ano ang gagawin kung hindi dahil kay Adrian.

          “It’s only three AM, matulog ka pa,” sabi nito.

          Ngumisi siya saka kinawit ang mga braso sa leeg nito, nang mahiga siya ay sumama ito kaya napaibabaw ito sa kanya.

          “Nami,” saway nito.

          Sinubukan ni Adrian na lumayo pero mas lalo pa niya itong hinila. Sinimangutan niya ang binata.

          “Bakit? Ayaw mo na sa akin?” kunwari ay maktol niya.

          Marahan natawa si Adrian at napailing.

          “May sinabi ako?” tanong din nito.

          Napatili si Nami ng bigla siyang kilitiin nito. Hindi siya tinigilan nito kaya napabitaw siya at nagpagulong-gulong siya sa kama. Nang mapagod sila sa paghaharutan ay napahinto na lang sila at napatitig sa isa’t isa.

          “I want to hold you, Nami,” seryosong sabi ni Adrian.

          Kinuha niya ang kamay nito at nilagay sa ibabaw ng kanyang dibdib niya.

          Nangilid ang luha niya ng maalala ang panaginip kanina na umalis si Adrian at sinabi nito na hindi na babalik pa. Ngayon malinaw na ang lahat sa kanya, sa huli ay kailangan siyang iwan nito. Naiintindihan na ni Nami ang lahat, hindi kayang sabihin ni Adrian sa kanya iyon ng harapan, kaya pinadaan nito sa panaginip niya.

          “You can hold me all you want. I’m yours. Even if it takes a lifetime, handa akong maghintay sa’yo. Kahit na sabihin mong hindi ka na babalik, maghihintay pa rin ako sa’yo,” sagot niya.

          “Nami…”

          “Alam ko na, Adrian. Naiintindihan ko na ang kahulugan ng panaginip ko kanina. Pagkatapos ng misyon mo dito, aalis ka na di ba? Hindi mo masabi sa akin ng deretso kaya dinaan mo sa panaginip ko.”

          Binaon ng binata ang mukha sa leeg niya.

          “I’m sorry. As much as I want to stay, pero hindi na ako puwedeng mag-desisyon para sa sarili ko,” sagot nito.

          Niyakap niya si Adrian.

          “Huwag kang mag-sorry, naiintindihan ko naman eh. Ano bang laban ko kay Lord?” sagot niya habang lumuluha.

          “Mahal na mahal kita, Nami,” sabi ni Adrian.

          “Mahal na mahal din kita, sobra.”

          Pinahid nito ang luha mula sa kanyang mga mata, pagkatapos ay hinalikan siya nito sa labi.

         

          MAG-A-ALAS sais na ng gabi, pero hanggang sa mga oras na iyon ay wala pa si Mabel. Dahil hindi siya basta puwedeng lumabas ng Chef’s Face, dahil na rin sa mahigpit na bilin ni Adrian. Pinakiusapan na lang ni Nami ang kanyang pinsan na doon na lang sila mag-bonding sa restaurant. Samantala, ng mga sandaling iyon ay wala ang binata doon.

         

“O kanina pa tapos ang shift mo, di ba? Bakit nandito ka pa?” tanong ni Thelma.

          “Hinihintay ko ‘yong pinsan ko, ang usapan namin dito kami magkikita. Ayaw akong payagan ni Adrian umuwi mag-isa eh,” sagot niya.

          “Ay oo nga pala, binilin ka rin ni Sir sa amin. Huwag ka daw namin hayaan lumabas dito,” sagot nito.

          Sinubukan niyang i-dial ang numero ni Mabel, pero busy pa rin iyon.

          “Nasaan na kaya iyon?” tanong pa niya.

          “Ang mabuti pa, doon ka na maghintay sa office ni Sir Adrian, para hindi ka masyadong maingayan,” suhestiyon ni Thelma.

          “Mabuti pa nga,” sagot niya.

          Pagpasok ni Nami sa loob ng opisina ni Adrian, naupo muna siya doon sa sofa habang nagte-text sa pinsan.

          “Oy baklush, nasaan ka na?” tanong niya sa text.

          Ilang sandali pa ang nakakalipas, nagulat na lang si Nami ng mag-ring ang phone niya. Nakahinga siya ng maluwag ng makitang si Mabel ang caller.

          “Hello Baklita! Nasaan ka na?!” bungad niya.

          “Hello, ito po ba si Miss Nami Palevino?” tanong ng isang boses ng babae. Napantingin siya sa phone ng marinig ang ibang boses ng babae imbes na sa pinsan.

          “Oo, sino ‘to?”

          “Itatanong ko lang po sana kung kilala n’yo ni Mabel Sta. Ana, iyong may-ari nitong phone?”

          “Pinsan ko siya, bakit po?”

          “Naku Ma’am, huwag po kayong mabibigla ha? Kasi po nandito siya sa ospital, naaksidente siya.”

          “Ano?!” gulat na tanong ni Nami.

          Mabilis umahon ang kaba sa kanyang dibdib.

          “Kailangan n’yo pong pumunta dito agad,” sagot ng babae sa kabilang linya.

          “Sige sige, pupunta na ako diyan ngayon din! Saan ospital ‘yan?!”

          “Ite-text ko sa inyo ang address,”

         Nang matanggap ni Nami ang text message na may address ng ospital ay agad siyang lumabas ng opisina ni Adrian.

          “Oy girl, saan ka pupunta?!” habol sa kanya ni Thelma.    

          “Kailangan kong puntahan si Mabel, tumawag sa akin naaksidente ang pinsan ko!” mangiyak-ngiyak na sagot niya.

          Hindi na niya hinintay pang sumagot si Thelma, sa halip ay basta na lang siya tumakbo palabas ng restaurant.

          “Uy sandali Nami! Sabi ni Sir, huwag ka daw lalabas basta! Nami!”

          Hindi na niya inintindi ang narinig, ni hindi na rin siya lumingon. Nang may dumaan na taxi ay agad niyang pinara iyon at sinabi ang pangalan ng ospital.

          “Manong, pakibilis po! Emergency lang,” humihingal na sabi niya.

          Pero natigilan siya ng umangat ang isang kamay ng taxi driver at may hawak na cellphone. At mula doon sa phone ay narinig niya ang boses ng babaeng kausap niya kanina.

          “Naku Ma’am, huwag po kayong mabibigla ha? Kasi po nandito siya sa ospital, naaksidente siya.”

          Biglang kumabog ng husto ang dibdib niya. Agad siyang binalot ng takot, ng mga sandaling iyon, alam niyang may mali sa mga nangyayari.

          “Ihinto mo, bababa ako. Ihinto mo sabi eh!” sigaw niya.

          Napapitlag si Nami sa gulat ng biglang umalingawngaw ang isang nakakakilabot na tawa mula sa driver. Paglingon nito, noon lang niya nakita ang mukha ni Lance. Hanggang sa biglang nagpalit ito ng anyo, napasigaw siya sabay atras ng makita ang itim na anghel sa kanyang panaginip noong isang gabi. Hanggang sa bigla siyang mawalan ng malay dahil sa takot.

Continue to read this book for free
Scan code to download App

Latest chapter

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status