Share

Chapter 16

Author: Miss Juris
last update publish date: 2020-09-29 21:00:56

          “ANONG sinabi mo?!” gulat na tanong ni Adrian pagbalik niya sa Chef’s Face.

          Napapitlag si Thelma dahil sa biglang paglakas ng kanyang boses.

          “Ah… ano Sir, nagmamadaling lumabas si Nami. Naaksidente daw ang pinsan n’ya,” sagot nito.

          Umahon ang kaba at takot sa kanyang dibdib. Pakiramdam ni Adrian ay may mali sa nangyayari. Mayamaya, halos sabay-sabay silang napalingon sa entrance door ng bumukas iyon at pumasok si Mabel. Nagkatinginan si Adrian at si Thelma.

          “Mabel?” aniya.

          Nagpunas pa ito ng pawis, habang sumalampak ng upo sa isang bakanteng silya paglapit sa kanila.

          “Kasumpa-sumpa! Ang init! Ang traffic! Let’s go to Pluto, people! Hindi ko na kayang mabuhay dito sa earth!” reklamo nito.

          “Anong ginagawa mo dito?!” gulat na tanong ni Thelma.

          “Ha? Eh pinapadaan ako ni Ate Nami dito, nasaan na ba siya?” kaswal na sagot ni Mabel.

          “Nakatanggap daw ng tawag si Nami, ang sabi naaksidente ka daw,” sabi ni Adrian.

          “Over! Paano ako maaksidente? Ang layo nga ng nilakad ko dahil ayaw gumalaw ng mga sasakyan sa sobrang traffic! Akala ko nakikiuso sila sa Mannequin Challenge eh. Saka paano ako makakatawag, wala akong load!” sagot nito.

          “Hala, sino ‘yong tumawag kay Nami?” tanong pa ni Thelma.

          Naikuyom ni Adrian ng mariin ang dalawang kamay. Nang mga sandaling iyon, alam na niyang nasa panganib ang dalaga.

          “Thelma, sabihin mo kay Sky, siya na muna ang bahala dito. Hahanapin ko si Nami,” sabi niya, saka nagmamadaling umalis.

          Paglabas ng restaurant ni Adrian ay agad siyang tumakbo palayo. Nang makita na walang ibang tao sa paligid, saka siya nagpalit ng anyo at bumalik sa pagiging anghel, pagkatapos ay agad siyang lumipad pataas.

          “Nami, nasaan ka na?” nag-aalalang tanong niya.

          Napahinto siya sa paglipat ng umalingawngaw ang malakas at nakakakilabot na tawa ni Rosier.

          “Kaibigan, mukhang may hinahanap ka,” sabi nito.

          “Magpakita ka, Rosier! Nasaan si Nami?!” galit na sagot niya.

          “Madali lang naman makita ang kinaroroonan namin. Dito sa lugar, kung saan mo siya unang iniwan noon,” sabi nito.

          Agad naalala ni Adrian ang rooftop building kung saan sila huling nagkita noong maging anghel siya. Mabilis niyang pinuntahan ang lugar na iyon, at sa ilang sandali lang ay nakarating na siya doon.

          “Nami!” sigaw niya pagkakita agad sa dalaga.

          Naabutan niyang nakatayo sa gilid ng rooftop si Nami, habang nakagapos ito ng itim na kapangyarihan ni Rosier, pero ng mga sandaling iyon ay wala itong malay. Sa oras na alisin ni Rosier ang pagkakagapos sa dalaga, mahuhulog sa mataas na gusaling iyon si Nami.

          “Sinabi ko na sa’yo na huwag mo siyang idamay dito! Walang kinalaman ang isang ordinaryong tao na katulad niya!” galit na sabi niya kay Rosier.

          “Pero importante siya sa’yo, Angelo. Hindi ba’t siya ang babaeng pinakamamahal mo?”

          “Bitiwan mo siya, Rosier! Kahit anong gawin mo, hindi mo mapipigilan ang lahat ng plano ng Panginoon! Alam mo na higit Siyang makapangyarihan kanino man!”

        “Hindi kami makakapayag na magkaroon ng mga bagong archanghel! Pipigilan namin kayo! Kasamaan ang magwawagi sa pagkakataon na ito!”

          Nang ibuka ni Adrian ang kamay ay lumabas ang kanyang espada.

          “Labanan mo ako, Rosier! Bitiwan mo si Nami!”

          Umalingawngaw ang malakas na tawa ni Rosier sa paligid. Bigla itong huminto ng dumating ang isa pang anghel. Nang tumingin ito sa kanya, ngumiti ito, noon lang niya nakilala ang bagong dating. Nakaramdam ng pagaan ng kalooban si Adrian.

          “Raguel,” bulong niya.

          Si Raguel, ang ikalawang Praelia. Ang anak ni Archanghel Grabriel na nagmahal ng babaeng kalahating tao at kalahating anghel, na anak ni Supremo Daniel. Noong mga araw na hindi pa siya nagpapakita kay Nami, si Raguel ang kanyang binabantayan, matapos sabihin ni Supremo na ang apo nito ang susunod na magiging Praelia. Nagkita na silang dalawa noon, doon sa Art Gallery, at kasama ito sa staff ng grupong Blue Light. Napalingon sila ni Raguel kay Rosier ng sumigaw ito, at galit na nakatingin sa kanila.

          “Hindi puwede ‘to! Hindi!”

          “Sinabi ko na sa’yo, wala kayong magagawa para pigilan kung ano ang nakatakda!” sabi niya.

          Binalingan ni Rosier si Nami, at lalong hinigpitan ang itim na kapangyarihan nakagapos dito. Dahil doon ay nagising ang dalaga, at agad na napasigaw matapos makita kung nasaan ito.

          “Adrian!” umiiyak na sigaw nito.

          Lalapitan na sana niya si Nami, pero ng lumipad si Rosier ay kasama nito ang dalaga.

          “Huwag kang magkakamaling lumapit, anghel! Kung hindi mamamatay ang babaeng mahal mo! Kagaya ng kung paano namatay ang kapatid niya!” banta nito.

          “Nami!” sigaw niya at agad na lumipad.

          “Maawa ka, huwag!” pakiusap ni Nami.

          “Hanggang diyan ka lang, anghel!”

          “Kahit bitiwan mo siya, o mamatay ang babaeng iyan na hawak mo. Wala pa rin kayong magagawa. Mabubuo ang Aurae Praelia at darating ang panahon na tuluyan matatalo ng kabutihan ang kasamaan,” kalmado pero seryosong sabi ni Raguel.

          “Kapag binitiwan ko siya, ano ang unang gagawin mo? Ang patayin ako? O ililigtas mo siya?” tanong ni Rosier sa kanya.

          Mariin kinuyom ni Adrian ang palad, pakiramdam niya ay sasabog ang kanyang dibdib sa sobrang galit ng mga sandaling iyon. Nagkatinginan sila ni Raguel, sa mga sandaling iyon, hindi sila maaaring mag-usap kahit sa isip lang dahil maririnig iyon ni Rosier. Nang tumingala ito, nakuha na niya ang ibig sabihin nito. Napalingon siya kay Nami ng tumingin ito sa kanya.

          “Tulungan mo ako, Adrian,” umiiyak na sabi nito.

          “Ililigtas kita, Nami. Hindi kita pababayaan,” sagot niya.

         

          NAPATULALA na lang si Nami ng sundan niya ng tingin si Adrian na lumipad at biglang nawala kasama ng isa pang anghel. Nadurog ang puso niya sa nasaksihan. Lalo siyang napaiyak, did Adrian just left her?

          “Adrian, bumalik ka. Hindi mo naman ako iniwan ng tuluyan, di ba?” umiiyak na tanong niya sa kanyang isipan.

          Bahagyang nakahinga ng maluwag si Nami ng ibalik siya ng itim na anghel sa rooftop, lalo na ng tanggalin nito ang kapangyarihan nakagapos sa kanya. Parang naubos ang lakas niya at tuluyan napaupo sa semento.

          “Iyan ba ang sinasabi mong mahal ka? Wala na siya, iniwan ka at hindi ka na niya babalikan!”

          “Hindi totoo ‘yan! Babalik siya dito at ililigtas niya ako!”

Binalot siya ng takot sa buong katawan ng marinig ang tunog ng tawa nito.

          “Huwag mong lokohin ang sarili mo, hangal na mortal! Hindi mo ba alam, kung

siya ang makakaligtas dito sa laban na ito. Iiwan ka na rin niya, babalik na sa Langit at hindi na babalik dito sa lupa. Umaasa ka lang sa wala! Ang hirap sa inyong mga tao, masyado kayong naniniwala sa pag-ibig!”

          “Hindi totoo ‘yan! Hindi ako iiwan ni Adrian, nangako siya sa akin!” giit niya.

          “Hindi pa ba malinaw sa’yo ang panaginip mo noong nakaraan araw? Iyon ang mangyayari sa’yo! Maiiwan kang mag-isa dito mundo! Mawawalan ka ng makakasama sa buhay! Mag-isa ka na lang! Walang lalaking magmamahal sa’yo ng totoo, gaya ng paniniwala mo noon. Lahat sila ay sasaktan at paglalaruan ang iyong damdamin, ang makuha ang iyong katawan ang tanging habol nila sa’yo, at pagkatapos, gaya ng anghel na minamahal mo, iiwan ka na rin nila! Iyon ang silbi mo dito sa mundo!” mariin sabi nito sabay halakhak.

          “At sino ka para magmahal ng isang anghel?! Ikaw na isang ordinaryong tao, makasalanan at manloloko! Nagnanakaw ng pera sa mga lalaking alam mong halos sambahin ang iyong ganda! Sinamantala mo sila dahil sa laki ng galit mo sa mga lalaki! Hindi ka nararapat sa pagmamahal ng isang anghel! Sa impyerno, doon ka nararapat, sumama ka sa akin!”

          Umagos lalo ang luha niya, tinakpan ni Nami ang magkabilang tenga at saka pumikit ng mariin matapos parang ipu-ipong bumalik ang nakaraan sa kanyang isipan. Ang lahat ng lalaking nambabastos sa kanya. Ang mga nangyari sa Nanay at Ate nikki niya. Ang mga taong naloko at nananakawan niya ng pera.

          “Hindi totoo ‘yan… hindi totoo… nagbago na ako…” paulit-ulit niyang sabi.

          Napapitlag siya ng biglang marinig ang boses ng itim na anghel sa kanyang tenga.

          “Kung ano ka dati, iyon ka pa rin ngayon. Hindi mo kayang magbago, Nami. Ang manloloko at magnanakaw noon, manloloko at magnanakaw pa rin ngayon,” bulong sa kanya nito.

          “Angela…”

          Napalingon siya matapos marinig ang boses ng kanyang Ate Nikki. Noon lang niya napansin na naroon na naman siya sa lugar na walang ibang makita kung hindi

kadiliman, ang tanging liwanag na naroon ay ang ilaw na nakatapat sa kanya.

          “Ate?”

          “Ayokong maranasan mo ang sakit na maiwanan at paasahin gaya ng nangyari sa akin,” umiiyak na sabi ni Nikki.

          “Ate,” usal niya.

          Umangat ang kamay nito. “Sumama ka na sa akin, naghihintay na si Nanay sa’yo. Magsama-sama na tayo, naroon na rin si Mabel, hinihintay ka na rin niya,” sabi pa nito.

          Napatingin siya sa tabi ng kapatid ng lumitaw doon si Mabel at nakangiti sa kanya.

          “Ate Nami, halika na!” nakangiting yaya sa kanya nito.

          Parang may sariling buhay ang mga paa niya, at natagpuan na lang ni Nami ang sarili na nakatayo at dahan-dahan humahakbang palapit sa kapatid at pinsan. Sinubukan niyang pigilan ang sarili sa paghakbang, pero hindi niya magawang pahintuin ang sariling katawan.

          “Sumama ka na sa amin, Nami. Naghihintay na si Nanay,” sabi pa ni Nikki.

          “Anak,”

          Sa hindi maipaliwanag na dahilan, noon nagawang pahintuin ni Nami ang katawan. Lalong umagos ang kanyang luha ng marinig ang tinig ng kanyang ina, na tatlong taon na niyang hindi naririnig.

          “Nay?”

          Pag-angat ng kanyang tingin, nakita ni Nami na nakatayo ang Nanay niya sa tabi ng kapatid. Umangat ang isang kamay nito.

          “Matagal ko ng gustong magkasama tayo, nahihirapan akong makita ka mag-isang lumalaban sa malupit na agos ng buhay.”

          Hindi man lang nakuhang magsalita ni Nami. Wala siyang ginawa kung hindi ang umiyak ng umiyak habang nakatingin sa Nanay niya. Kaytagal na siyang

nangungulila simula ng mamatay ito.

          “Lumapit ka dito sa akin, anak.”

          Nang mga sandaling iyon, kusa na siyang humakbang palapit sa ina.

          “Hawakan mo ang kamay ko, Angela.”

          “Huwag kang hahawak sa kamay niya, Nami. Gumising ka, hindi siya ang totoong nanay mo,” sabi ng boses ni Adrian sa kanyang isipan.

          “Sumama ka na sa amin, anak. Para hindi ka na malungkot mag-isa dito,” sabi pa ng Nanay niya.

          “Huwag kang makikinig sa kanya,” giit ni Adrian.

          Bago pa tuluyan matauhan si Nami, nakahawak na siya ng mahigpit sa kamay ng kanyang ina paglapit.

          “Halika na,” yaya nito sa kanya.

          “Huwag! Nami!” narinig niyang malakas na sigaw ni Adrian.

          Paglingon niya, agad siyang nawala sa madilim na lugar at bumalik doon sa rooftop building. Napasigaw si Nami ng makitang naroon na siya sa bingit at ano man oras ay mahuhulog siya sa gusaling iyon. Wala na rin ang imahe ng kanyang pamilya na kanina lang ay nasa harapan. Humalakhak ang itim na anghel, at muli siyang nagapos ng kapangyarihan nito.

          “Mamili ka, Angelo! Ang babaeng mahal mo? O ang misyon mo bilang anghel na magapi ako!” sigaw ni Rosier.

          Bago pa malaman ni Nami ang susunod na mangyayari, nagulat na lang siya ng parang may tumulak sa kanya at tuluyan siyang nahulog sa gusaling iyon. Umalingawngaw ang malakas niyang sigaw. Dobleng takot ang naramdaman niya habang mabilis siyang bumubulusok pababa.

          “Diyos ko, iligtas N’yo po ako!”

          Hanggang sa biglang may sumalo kay Nami. Agad siyang yumakap ng mahigpit ng bumungad ang mukha ni Adrian, at doon, habang nakakulong siya sa

matipunong bisig ng nobyo. Muli siyang umiyak.

          “Huwag ka ng matakot, ligtas ka na,” sabi ni Adrian.

          “Akala ko iniwan mo na ako,” sagot niya.

          “Sorry, kailangan namin gawin iyon para hindi marinig ni Rosier ang plano namin. May kakayanan marinig ng isang itim na anghel na gaya niya ang aming isipan, kaya kinailangan namin lumayo,” paliwanag nito.

          Dinala siya ni Adrian pabalik sa itaas. Naabutan nila ang kasama nitong anghel na siyang nakikipaglaban sa itim na anghel. Binaba siya ng binata sa isang tabi.

          “Dito ka lang, huwag kang aalis dito kahit na ano ang mangyari. Babantayan ka ni Raguel,” bilin nito.

          Marahan siyang tumango. Sandaling lumayo si Raguel at lumapit kay Nami. Napatingin siya dito, bigla niyang naalala, ang lalaking iyon ay isa sa kasama ng Blue Light ng kumain ang mga ito sa Chef’s Face.

          “Ikaw muna ang bahala sa kanya,” sabi ni Adrian sa kaibigan.

          “Makaasa ka,” sagot nito.

          Ngumiti pa sa kanya si Adrian bago ito humarap kay Rosier. Agad itong sumugod sa kalaban, nang magtama ang espada ng dalawa, biglang yumanig ng malakas ang paligid. Kasabay ng pagtulak ni Rosier ng malakas kay Adrian, ay agad itong lumipad palayo, na agad din naman sinundan ng binata. Napapikit na lang si Nami at umusal ng maikling panalangin.

          “Hindi ko po lubos maisip kung bakit nangyayari ang lahat ng ito. Isa lang po ang hiling ko, huwag N’yo pong papabayaan si Adrian.”

          SA GITNA NG main road naabutan ni Adrian si Rosier. Humigpit ang hawak niya sa espada, alam niyang sinadya nitong doon pumunta kung saan maraming tao ang maaaring madamay.

          “Iwan mo ang mundong ito, Angelo. Ang mundo ng mga tao ay kay Lucifer,”

sabi ni Rosier.

          “Wala kayong pagma-may-ari dito. Ang lahat ng ito ay gawa ng Ama sa Langit, sa Kanya ang mundo na ito,” sagot ni Adrian.

          “Mundo na mas pinalawak ni Lucifer!”

          “Mundo at sangkatauhan na nilason ng kasamaan ninyo!” galit na giit ni Adrian.

          Pinaikot ni Rosier ang espada sa kamay nito at biglang tinusok iyon sa lupa. Biglang nayanig ang buong paligid, nagkagulo ang mga tao, may mga sasakyang bumangga sa mga pader at poste. Kasunod niyon ay humangin ng malakas na parang may malakas na bagyo. Nagsigawan ang mga tao sa takot. Ngunit hindi nagtagal, bumaba ang mga kasamahan niyang anghel at pinaikutan silang dalawa ni Rosier, nang sa gayon ay mapigilan ang kapangyarihan nito na maaaring makapanakit ng mga ordinaryong tao. Sa loob ng malaking bilog na iyon ay parang may isang malakas na ipu-ipo na may dalang malakas na hangin.

          “Balewala silang lahat, kung inakala mo na kaya n’yo akong talunin!” sabi ni Rosier.

          “Hindi nila kailangan tumulong sa akin, nariyan sila para protektahan ang mga tao laban sa’yo. Tayong dalawa ang maglalaban,” sagot niya.

          Umangat mula sa lupa ang mga paa ni Adrian at agad na sinugod si Rosier. Mabilis naisalag nito ang espada at naging lakas ang kanilang labanan. Sinipa niya ito ng malakas dahilan para tumilapon sa malayo. Mabilis niyang sinundan ito, nang makalapit ay nakatayo na si Rosier at agad na gumanti sa kanya.

          Nabiyak ang lupa at umangat ang piraso ng mga iyon sa ere, pagkatapos ay binato lahat iyon ng kalaban sa kanya kasunod ng naglalagablab na apoy na nagmula sa kamay nito at tumupok sa mga batong iyon. Mabilis iyon nasalag ni Adrian ng kanyang esapada. Inipon niya ang lakas at unti-unti siyang humakbang palapit, hanggang sa umilaw ang kanyang espada at magawa niyang maitulak pabalik ang apoy kay Rosier. Agad siyang sumugod at tinamaan ng espada niya ang itim na anghel.

          Sumigaw sa galit si Rosier at sumugod din sa kanya. Nang magtama ang kanilang espada, muling yumanig ang buong paligid. Magkakasunod itong sumugod sa kanya ng walang mintis at sa bawat pagtama ng espada nila ay isang malakas na puwersa ng liwanag ang nagmumula doon. Nang mawalan siya ng balanse, nagkaroon ito ng pagkakataon at agad siyang inatake, nasugatan siya ng espada nito sa tagiliran, dahilan para mapaluhod siya at manghina. Naitusok niya ang espada sa lupa at humihingal na napapikit.

          “Mamamatay ka ngayon din, anghel! Sinabi ko na sa’yo na hindi mabubuo ang Aurae Praelia!” sabi ni Rosier.

          “Ama, bigyan N’yo po ako ng lakas para maproteksiyunan at mapagtanggol ko ang sangkatauhan,” dalangin niya.

          “Kung mangyayari man ang sinabi mo, mamamatay akong pumupuri at naglilingkod sa Kanya. Pero hindi ko hahayaan makapaghagsik ka ng lagim, at lalong hindi ko hahayaan masaktan mo ulit si Nami,” sagot niya.

          Muli siyang sinugod ni Rosier, at muling naiharang ang kanyang espada bago pa man siya masaktan nito. Inipon ni Adrian ang lakas at tinulak ito ng malakas, pagkatapos ay agad siyang sumugod. Lumipad ang itim na anghel palayo at agad niya itong sinundan, doon sa gitna ng makapal na ulap ay naglaban silang dalawa. Sa bawat pagsalag nila sa espada ng isa’t isa ay nayayanig ang buong paligid. Sa bawat kapangyarihan na pinapakawalan niya ay parang malakas na bomba iyong sumasabog lalo na kapag sinasalubong ni Rosier iyon ng apoy na kapangyarihan nito.

          Muntik na siyang magtamaan ng apoy nito ng dalawang beses na magkasunod na pinakawalan iyon sabay sugod agad sa kanya. Mabilis nakaiwas si Adrian at mabilis niyang nasalag ang espada nito.

          “Isuko mo na iyong kapangyarihan, Angelo! Hindi ko hahayaan na magtagumpay kayo! Sumuko ka na at sambahin ang aming si Lucifer!”

          “Hindi mangyayari ang nais mo, Rosier! Kahit kailan ay hindi kami luluhod sa paanan ni Lucifer!” mariin sagot niya.

          Mula sa kamay niya ay lumabas ang kanyang puting kapangyarihan,

pagkatapos ay bigla iyong tinapat sa tagiliran ni Rosier. Napasigaw ng husto ito, kaya agad na lumayo.

          “Ngayon na ang huling araw na maglilingkod ka kay Lucifer,” sabi pa niya.

          Umalingawngaw ang halakhak ni Rosier at mabilis itong lumipad, na agad na sinundan ang kalaban. Bumalik ang itim na anghel sa kinaroroonan ni Nami.

          “Ikaw ang mamamatay sa laban na ito, at hindi ako!” galit na sigaw ni Rosier, sabay tingin kay Nami.

          “Panoorin mo babaeng mortal, kung paano ko patayin ang anghel na iyong minamahal!” pagmamalaki pa nito.

          “Huwag! Adrian!” umiiyak na sigaw ni Nami.

          Mula espada, naging sibat na gawa sa apoy ang naging sandata ni Rosier. Bigla itong nawala sa kanyang harapan, bago pa man din siya makalingon. Nagulat na lang si Adrian ng sumulpot si Rosier sa likod niya at hinawakan ang dalawang braso niya. Sinubukan niyang pumiglas pero mas lalong humigpit ang pagkakapit nito sa kanya. Hanggang sa sumulpot ang apoy na sibat sa kanyang harapan.

          “Paalam unang Praelia,” sabi pa ni Rosier.

          “Adrian!” narinig niyang sigaw ulit ni Nami.

          Kasunod niyon ay kusang gumalaw ang apoy na sibat at mabilis na lumipad

papunta sa kanya. Pero bago pa man din iyon tumarak sa katawan niya. Kasunod niyang narinig ang malakas na pagdaing ni Rosier at tuluyan siyang nabitiwan nito. Mabilis na sumulpot ang espada sa kanyang kamay at agad na lumipad palayo, kaya tumama ang sibat mismo kay Rosier. Doon lang niya nakita si Raguel na nasa likod ng kalaban.

          “Hindi!” sigaw ni Rosier.

          Agad na tinarak ni Adrian ang espada na hawak sa tiyan nito saka mabilis na lumayo. Nang ibuka niya ang kabilang kamay, lumitaw ang palaso at pana at agad inasinta ang kaliwang dibdib ni Rosier. Pagkatapos ay pinakawalan ang pana na deretsong tumusok sa puso nito. Isang nakakakilabot na sigaw ang umalingawngaw sa paligid hanggang sa tuluyan naging abo ang itim na anghel.

          Napalingon silang dalawa ni Raguel ng dumating ang kanyang ama na si Jophiel. Dala ang isang kulay puti at maliit na jar, nang buksan nito ang takip niyon ay kusang pumasok doon ang abo ni Raguel.

          “Tapos na ang iyong misyon dito sa lupa, Angelo. Magaling, pinagmamalaki kita.”

          Ngumiti siya sa ama, saka marahan tumango.

          “Salamat po,” sagot niya.

          Nang mawala ang kanyang ama, saka niya nilapitan si Nami. Agad niyang niyakap ang dalaga.

          “Ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?” tanong agad nito habang umiiyak.

          Nang lumayo ay napatingin ito sa tagiliran niya na kanina ay tinamaan ng espada ni Rosier.

          “May sugat ka,” nag-aalalang sabi nito.

          Ngumiti lang siya, mayamaya, kusang naghilom iyon.

          “Wala na, magaling na agad ang sugat ko,” sagot niya.

          Muling yumakap sa kanya si Nami. “Akala ko napahamak ka na ng tuluyan. Sorry kung sumuway ako sa bilin mo, lumabas ako ng restaurant,” sabi nito.

          “Huwag mo ng isipin ‘yon, ang mahalaga, ligtas ka na,” ani Adrian.

          Napalingon siya ng dumating ang iba pang anghel na tumulong sa kanya kanina na protektahan ang mga tao laban sa pag-atake ni Rosier.

          “Naibalik na ba sa dati ang lahat?” tanong ni Adrian.

          “Maayos na po ang lahat, Archanghel,” sagot ng isang anghel.

          “Mabuti kung ganoon, salamat,” sagot niya.

          Nang tingnan niya si Nami. Agad niyakap ni Adrian ang dalaga ng mahigpit. Nangilid ang luha niya hanggang sa tuluyan na iyong umagos. Dumating na ang araw na kailangan niyang magpaalam sa dalaga.

          “Bakit ka umiiyak?” nagtatakang tanong ni Nami.

          Alam ni Adrian na alam nito kung bakit. Pero pilit lang tinatanggi ng dalaga.

          “Kailangan ko ng magpaalam,” sagot niya.

          Sunod-sunod na umiling si Nami.

          “Hindi, hindi ka aalis! Hindi mo ako iiwan ulit!” mariin tanggi nito.

          “Patawarin mo ako, pero hindi ito ang mundo ko, Nami. Kailangan kong bumalik kung saan ako nagmula,” umiiyak din na sabi niya.

          “Adrian, paano ako?”

          “Magiging maayos ang lahat sa’yo, ang buhay mo, magtiwala ka lang,” sagot niya.

          “Ayoko, para saan pa? Kung wala ka naman dito,” sabi ni Nami.

         “Kaya mo. Kayanin mo, matapang ka. Magiging maayos ka sa paglipas ng panahon,” aniya.

          “Paano ako magiging masaya? Kung wala ka naman! Huwag mong gawin ito sa akin, Adrian! Please,” pakiusap nito.

          Hinalikan ni Adrian ang dalawang kamay ni Nami.

          “Lagi mong tatandaan ang lahat ng sinabi ko sa’yo noon. Kahit hindi mo na ako makita, lagi akong nakasubaybay sa’yo. Binabatayan at pino-protektahan sa lahat ng oras,” sabi nito.

          Tanging ang tunog ng pag-iyak ni Nami ang sumunod niyang narinig mula dito.

          “Mahal na mahal kita, Adrian.”

          “Mahal na mahal din kita,” sagot niya.

          “Hihintayin kita, alam ko babalik ka,” sabi ni Nami.

          Mariin siyang pumikit, at kahit mabigat sa kanyang loob, alam ni Adrian na kailangan niyang pakawalan si Nami. Ayaw niyang habang-buhay itong umasa na babalik siya. Gusto niyang maging masaya ang dalaga.

          “Huwag mo akong hintayin, huwag mong pahirapan ang sarili mo. Kapag handa ka na, magmahal ka ng iba. Maging masaya ka sa iba, doon sa lalaking kaya kang respetuhin, at ituring na Prinsesa. Sa lalaking mamahalin ka dahil sa ganda ng pagkatao mo, hindi lang ng pisikal. Sa lalaking hindi ka iiwan at mananatili sa tabi mo,” sabi niya.

          “Ayoko. Ikaw lang ang gusto kong makasama, Adrian.”

          “Archanghel Angelo, kailangan na po natin umalis,” wika ng isang anghel sa kanyang likod.

          Bahagya siyang lumingon at marahan tumango. “Susunod na ako,” sabi niya.

          Sabay-sabay na yumukod ang mga ito sa kanya, at mabilis na lumipad sa langit.

          “Ingatan mo lagi ang sarili mo. Ikaw na ang bahala sa restaurant at kay Sky. Sa inyong dalawa ko iiwan iyon,” bilin pa niya.

          Mahigpit na yumakap sa kanya si Nami.

          “Kahit habang-buhay, kahit tumanda na ako. Wala akong mamahalin ng higit kung hindi ikaw lang. Mahal na mahal kita,” umiiyak na sabi ng dalaga.

          Malungkot siyang ngumiti kay Nami ng lumayo ito sa kanya. Alam ni Adrian, walang kahit sino sa kanilang dalawa ang nais bumitiw sa kamay ng isa’t isa. Pero kailangan niyang pakawalan ang kamay ng babaeng minamahal niya ng lubos. Nang umangat ang paa niya sa lupa, ay lalong umagos ang luha nilang dalawa. Parang dinudurog ang puso ni Adrian ng makabitiw na sila mula sa pagkakahawak. Hindi maipaliwanag ni Adrian ang sakit na nararamdaman niya ng mga sandaling iyon ng tumalikod si Nami, at nagsimulang maglakad palayo.

          “Gusto kong sabihin na hintayin mo ako. Gusto ko sanang pagbawalan ka na

tumingin at magmahal ng iba. Gusto kong bigyan ka ng pag-asa na darating ang araw na magpapakasal at magsasama tayo gaya ng ordinaryong tao na nagmamahalan. Pero hindi ko magawa, kailangan kitang pakawalan, kailangan kong magpaalam sa’yo. Nami, ikaw lang ang babaeng mamahalin ko hanggang sa wakas. Sa pagdating ng nakatakdang araw ng pag-akyat mo sa Langit, ako mismo ang sasalubong sa’yo. Baka sakaling doon, puwede na natin ipagpatuloy ang pagmamahalan na hinadlangan ng magkaiba natin mundo. Mahal na mahal kita, maraming salamat sa mga araw na kinumpleto mo ang buhay ko noong mga panahon na para akong nangangapa sa dilim at hindi ko kilala kung sino ako. You made me happy and make my life on earth worth living. Hanggang sa muli nating pagkikita, mahal ko.”

          Pumikit si Adrian saka tumingala, hanggang sa tuluyan na siyang umakyat sa langit.

Continue to read this book for free
Scan code to download App

Latest chapter

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status