Share

Chapter 11

Author: Miss Juris
last update Petsa ng paglalathala: 2020-09-27 13:00:34

          NANG humarap si Nami, tumambad sa kanya ang guwapong mukha nito. Nakangiti, ngunit bakas ang lungkot sa mga mata. Parang may sakit dahil mukha itong nanghihina at namumutla ito. Doon na siya napaiyak ng tuluyan at yumakap sa binata.

          “I’m sorry kung iniwan kita, I’m sorry!”

          Tumingin sa kanya ang binata saka marahan umiling.

          “Wala kang kasalanan,” anito. “Sorry kung hindi ko sinabi agad sa’yo ang lahat tungkol kay Lance at tungkol sa akin. Dahil kahit ako, noong unang nagkakilala tayo, wala pa rin akong alam sa sarili ko ng mga panahon na iyon. Kailan ko lang din nalaman, at hindi madali para sa akin ang tanggapin iyon ng ganoon kadali.”

          “Naiintindihan ko na ngayon,” sagot niya.

          Mariin hinalikan ni Nami sa labi si Adrian.

          “Happy Birthday,” sabi niya.

          Ngumiti ito. “Salamat. Halika, may gusto akong ipakita sa’yo.”

          “Ano ‘yon?” tanong niya.

          Hinawakan ni Adrian ang kamay niya.

          “Teka, si Sky. Kanina pa nag-aalala sa’yo ang kapatid mo, pasunurin mo siya sa pupuntahan natin.”

          “Sige, kailangan mo rin ng kasama mamaya,” ani Adrian.

          Napakunot-noo siya sa sinabi nito. “Anong ibig mong sabihin?”

          Imbes na sumagot ay ngumiti lang ito, saka kinuha ang cellphone at tinext ang kapatid.

          “Ano? Let’s go?” tanong nito.

          Marahan siyang tumango. Naguluhan si Nami dahil imbes na maghanap ng sasakyan, bigla siyang niyakap ni Adrian.

          “Close your eyes,” sabi nito.

          “Ha? Bakit?”

          “Just do it,” anito.

          Sinunod niya ang sinabi nito. Hanggang sa may maaninag siyang liwanag.

          “We’re here,” ani Adrian.

          “Paanong—”

          Pagdilat ni Nami, doon lang niya nakitang nasa ibang lugar na sila. Doon sa ibabaw ng rooftop building kung saan siya dinala ni Adrian noon.

          “Paano nangyari ‘yon?” tanong pa niya.

          Marahan tumawa si Adrian. “Nakalimutan mo na? May powers ang boyfriend mo.”

          Napangiti siya. “Oo nga pala,” aniya.

          “Teka, maayos na ba ang pakiramdam mo?” tanong ni Nami.

          Marahan iyong tumango. Napansin niya ang lungkot sa mga mata nito.

          “Are you really okay?” tanong ulit niya.

          Tumango ulit ang binata, pagkatapos ay tumingin sa langit.

          “Angela, I’m sorry for hurting you. Sa hindi ko agad pagsabi sa’yo ng totoo,” sabi ni Adrian.

          “Kalimutan na natin ‘yon,” sagot niya.

          “Nami, kailangan ko ng umalis,” sabi ni Adrian.

          Hindi agad nakapagsalita si Nami. Kasabay ng pagbalik ng mga sinabi ni Sky sa kanya na hindi pinansin kanina. Mabilis umagos ang luha niya.

          “Baka pag-alis niya, hindi na siya bumalik,”

          “Aalis ka? Saan ka pupunta?” naiiyak ng tanong niya.

          “Kailangan ko ng bumalik sa langit.”

          “No, ang sabi mo hindi mo ako iiwan!” umiiyak na sabi niya.

          Umagos rin ang luha mula sa mga mata ni Adrian.

          “Ayoko rin, pero kailangan. Hindi ko puwedeng talikuran kung saan ako nagmula,” sabi ni Adrian.

          “Sasama ako!”

          “Kung puwede lang, iyon din ang gagawin ko.”

          Bigla siyang yumakap ng mahigpit kay Adrian.

          “Ayoko! Huwag mo akong iiwan!”

          “Listen to me, babalik ako. Para sa’yo.”

          Napahagulgol na lang si Nami. Just the thought of Adrian leaving, parang pinupunit sa sakit ang puso niya.

          “Mahal na mahal kita, Adrian!” 

          Tumingin ang binata sa mga mata niya.

          “Mahal na mahal din kita,” umiiyak na sagot nito.

          Pagkatapos ay mariin siyang hinalikan nito sabay yakap ulit sa kanya ng binata. Hanggang sa maramdaman ni Nami na tila bumigat ito.

          “Adrian,” aniya.

          Ngunit hindi ito sumagot. Nang tingnan niya ang binata ay wala ng malay ito. Dahan-dahan niya itong nilapag sa sahig at inunan sa kanyang hita.

          “Adrian, gumising ka,” umiiyak na sagot niya.

          Mayamaya, tumatakbong dumating si Sky.

          “Kuya!” sigaw nito at agad na lumapit.

          “Anong nangyari?” tanong nito.

          “Bigla siyang nawalan ng malay!”

          Napatingin sila kay Adrian ng biglang lumiwanag ang gitna ng dibdib nito. Hanggang sa biglang humangin ng malakas. Napaatras silang dalawa ng unti-unti ay umangat ang katawan nito sa lupa at nabalot ng manipis na usok ang paligid. Biglang natakpan ni Nami ang tenga ng kumulog at kumidlat ng malakas. Kasunod ng pag-ihip ng malakas na hangin.

          “Adrian!” sigaw niya.

          Ilang sandali pa, mula sa kalangitan, isang nakakasilaw na liwanag ang parang kidlat sa bilis na bumaba at tumama kay Adrian, bago tuluyan nabalot ng liwanag na iyon ang buong paligid. Mula sa kung saan, isang malamyos na tinig ang kanilang narinig.

          “Ito ang aking Anak, ang unang magiting na mandirigma. Ang unang Praelia na magtatanggol sa buong Sangkatauhan at Kalangitan. Angelo, aking pinakamamahal na anak. Ito na ang tinakdang panahon para tuparin ang iyong tungkulin. Ang unang Archanghel ng ikalawang henerasyon.”

          Natutop ni Nami ang bibig ng unti-unting mawala ang liwanag sa dibdib nito at bumalot sa katawan ni Adrian ang manipis na usok sa paligid. Nang mga sandaling iyon, iba na ang suot ng binata. Isang puting damit na gaya ng mga sinaunang sundalong Romano. Hanggang sa dumilat ang mga mata ni Adrian at bumaba ito sa lupa. Unti-unti, mula sa likod ay lumabas ang kulay puting pakpak nito. Pagtapak ni Adrian sa lupa ay napaluhod ito, habang tila hapong-hapo na habol ang bawat hininga.

          Umagos ang luha mula sa mga mata ni Nami. Hiyang-hiya siya sa sarili matapos maalala ang mga sinabi niya noon tungkol sa mga anghel, tungkol sa pagkuwestiyon niya sa Diyos noong mga panahon na kamamatay lang mga nanay at ate niya. Ngayon, parang sinadya ng tadhana na pagtagpuin sila ng landas ni Adrian. Nagmahal siya ng isang lalaki na sa huli ay isa pa lang anghel.

          Sino ba ang mag-aakala na ang lalaking minahal ay kabilang sa mga hindi niya pinapaniwalaan noon? Kung hindi dahil kay Adrian, hindi babalik ang pananampalataya niya sa Diyos. Siguro, sinadya ng langit na magkrus ang landas nila para tuluyan maayos ang buhay niya at matunaw ang galit sa kanyang puso.

Nang tumayo si Adrian, dahan-dahan siyang lumapit dito. Umiiyak na tiningnan niya ang binata. Ngumiti sa kanya ang binata, at sa pagkakataon na iyon ay wala na ang bakas ng lungkot sa mga mata at maaliwalas na rin ang mukha nito.

“Mas bagay sa’yo ang anghel kaysa Chef,” nakangiting sabi niya sa gitna ng pagluha.

“Eto ang tunay na pagkatao ko, Nami. At hindi Adrian ang totoong pangalan ko, Angelo,” sagot nito.

          Napangiti siya. “Magkapangalan pa pala tayo,” sabi niya.

          “Lagi mong tatandaan, kahit na hindi mo ako nakikita. Palagi kitang babantayan, kapag nalulungkot ka, kausapin mo lang ako. Makikinig ako sa’yo,” ani Adrian.

          “Puwede bang huwag ka na lang umalis?” tanong niya, saka muling napaiyak.

          “Kung puwede lang, mas gusto kong huwag umalis sa tabi mo. Kaya lang, may malaki akong responsibilidad at hindi ko maaaring talikuran iyon. Naiintindihan mo naman, di ba?”

          Lalong napaiyak si Nami sa narinig habang tumatango.

          “Hihintayin kita, alam ko, tutuparin mo ang pangako mo sa akin. Babalikan mo ako.”

          Marahan tumango si Adrian.

          “Mahal na mahal kita, Angela.”

          Nang akma niyang hahawakan ang binata, tumagos ang kamay niya sa katawan nito. Hindi maipaliwanag ni Nami ang sakit ng mga sandaling iyon, naroon lang sa kanyang harapan si Adrian, pero hindi na niya ito mahawakan.

          “Mahal na mahal din kita, sobra!” humahagulgol na sagot niya.

          Tumingin ito kay Sky.

          “Ikaw na muna ang bahala sa lahat,” sabi nito.

          Umiiyak din na tumango ang kapatid nito. Pagkatapos ay muling tumingin sa kanya si Adrian. Napatingala sila ng isa pang anghel ang dumating.

          “Anak, kailangan na natin umalis,” sabi ng isa pang anghel.

          Marahan tumango si Adrian, saka binalik ang tingin sa kanya.

          “Hanggang sa muli,” sabi ni Adrian.

          Tila nadudurog ang puso ni Nami habang pinapanood itong unti-unting umaakyat sa langit. Malungkot na ngumiti sa kanya si Adrian bago nag-flying kiss sa gitna ng pagluha. Wala ng nagawa si Nami kung hindi ang umiyak ng mawala na sa paningin niya ang binata. Agad siyang niyakap ni Sky at doon niya binuhos ang lahat ng emosyon.

          MASAYA si Adrian ngayon naging ganap na siyang anghel. Masaya rin siya dahil sa wakas ay naibalik na ang nawalang alaala niya, at lalong masaya siya dahil makakabalik na siya sa langit. Ngunit sa kanyang pag-alis, parang may bahagi sa puso ang naiwan kay Nami.

          “Nagsisisi ka ba sa pag-alis mo?” tanong ni Jophiel.

          Pinilit niyang ngumiti paglingon sa ama. “Hindi po. Hindi ko lang maiwasan ang makaramdam ng lungkot.”

          Huminto sila sa paglipad at nagpalutang sa ibabaw ng makapal na mga ulap na parang dagat sa lawak, habang nasisinagan ng buwan.

          “Anak, marami kang haharapin ngayon na isang ganap na anghel ka na. Maaaring makabalik ka sa lupa, at maaari din na hindi. Ang paglilingkod sa Kanya ay katumbas ng pagtalikod mo sa buhay na nakasanayan mo. Kailangan ibigay mo sa Kanya ang isang daan porsiyento ng buhay mo, at hayaan Siya ang kumilos at gumawa ng lahat para sa iyo. Nakahanda ka ba?”

          Bumuntong-hininga si Adrian.

          “Nakahanda po ako. Naniniwala po ako na darating ang panahon na makakabalik ako sa mundo. Simula ng mabuhay ako bilang isang tao, naging kabilang na ako sa kanila. At ang mga nakagisnan kong pamilya doon, naghihintay sila sa pagbabalik ko. Pero tutuparin ko ang misyon at responsibilidad bilang isang anghel at Praelia ng buong puso.”

          Ngumiti ang kanyang ama.

          “Natutuwa akong marinig iyan mula sa’yo.”

          Napatingala silang dalawa ng may liwanag na nagmula sa itaas ang tila pintong bumukas.

          “Tayo na, Angelo. Naghihintay na sila sa pagbabalik mo,” sabi ni Jophiel.

          “Opo.”

          Muli nilang pinagpatuloy ang paglipad at tuluyan silang pumasok sa liwanag na iyon. Pagkatapos ay natagpuan ni Adrian ang sarili na nasa harap ng isang pamilyar na lugar. Tumingala siya sa malawak at malaking gate na nasa harap niya na gawa sa purong ginto. Mula doon sa labas ay naririnig niya ang malamyos at sabay-sabay na pag-awit ng papuri ng mga anghel.

          Bumilis ang tibok ng kanyang puso nang bumukas ang malaking gate na iyon dahan-dahan. Nangilid ang mga luha niya ng magsimula siyang humakbang papasok. Unti-unting bumalik sa kanyang alaala ang mga panahon na nasa loob pa lang sila ng Epouranios. Mula doon ay palagi siyang nakatanaw sa pinto ng Langit, iniisip kung kailan siya makakapasok doon. Hanggang sa nangyari ang gyera sa pagitan ng kabutihan at kasamaan. Nawala sila kasama ng kanilang alaala. Ngayon, narito na siya. Nakatapak sa loob ng kalangitan. Hindi maipaliwanag ni Adrian ang nararamdaman. Parang kailan lang, isa siyang ordinaryong tao na tahimik na namumuhay sa mundo. Hindi niya akalain na ang pagiging espesyal niya ang maghahatid sa kanya ng isang malaking tungkulin.

          Paglingon ni Adrian sa paligid, hindi niya maipaliwanag ang sa salita ang ganda ng kanyang nakikita. Paraiso, iyon siguro ang puwede niyang maitawag doon. Gumaan ang puso niya, napawi ang kanyang mga lungkot. Doon sa kalangitan, tanging walang hanggang kasiyahan ang matatagpuan. Hanggang sa matanaw niya ang dalawang pamilyar na mukha.

          “Angelo,” tawag ng isang may edad na anghel.

          “Supremo?”

          Ngumiti ito at binuksan ang mga braso. Agad siyang lumapit at niyakap ito.

          “Supremo Daniel,” aniya.

          “Maligayang pagbabalik, Angelo.”

          “Salamat po.”

          Mula sa likod nito ay ang isa pang pamilyar na anghel, ngunit ito ay may tatlong pares ng pakpak.

          “Anghel Seraphim,” aniya.

          Ngumiti ito at yumakap din siya dito.

          “Maligayang pagbabalik, anak,” sabi ni Seraphim.

          “Masaya po akong makita kayong muli,” ani Adrian.

          “Tayo na at magbigay puri sa Kanya,” yaya ni Supremo Daniel.

          Lumipad sila sa pinakamataas na bahagi ng kalangitan. Iyon ang unang pagkakataon na nakita niya ang parteng iyon ng langit. Pagtingala niya, isang malaking trono ang kanilang nasa unahan. At nakaupo doon ang Panginoon, ang Messiah, na siyang pinakamakapangyarihan na may gawa ng lahat. Nakasuot ito ng damit na walang kasing puti, at nababalot ang mukha ng Panginoon ng isang nakakasilaw na liwanag. Sa Kanyang trono matatagpuan ang mga batong jasper at carnelian, at nakapalibot doon ang bahaghari. Napapaligiran ang tronong iyon ng dalawampu’t apat pang trono, at nakaupo doon ang dalawampu’t apat na tinalagang alagad ng Diyos, na may kulay puting kasuotan at gintong korona. At napapaligiran ang trono ng Diyos ng pitong sulo ng apoy, na kinakatawan ng pitong espiritu ng Diyos. At paligid ng niyon ay ang Anghel Seraphim, na may anim na pakpak, na pumupuri sa Kanya, na may gawa ng lahat.

          Biglang naalala ni Adrian ang mabait at dakilang guro nila sa Epouranios, si Anghel Adriel. Tama ang lahat ng sinabi nito noon.

          “Angelo,” wika ng Panginoon.

          Mabilis siyang lumuhod at tumungo sa ulo.

          “Ang papuri ko ay sumasainyo, aking Panginoon. Narito na po ang unang Praelia na Inyong nilikha, ang magsisilbing tagapag-lingkod ng Kalangitan at Sangkatauhan,” sagot niya.

          Naramdaman na lang ni Adrian na may kamay na marahan tumapik sa kanyang balikat.

          “Masaya ako na muli kang makita dito sa Aking kaharian,” sabi Niya.

          “Isang malaking pribilehiyo na Kayo ay aking paglingkuran,” sagot ni Adrian.

          Inalalayan siya ng Panginoon na tumayo.

          “Nakahanda ka bang ibigay ang iyong buhay para sa Akin? Iwan ang lahat ng mayroon ka sa lupa, para paglingkuran ako?”

          Biglang naisip ni Adrian si Nami, maging ang kanyang pangako sa dalaga.

          “Opo. Binibigay ko sa Inyo ang aking buhay,” nangingilid ang luha na sagot niya.

          “Anak, nakikita ko ang nilalaman ng iyong puso. Alam ko kung sino ang sinisigaw ng iyong damdamin. Ibigay mo sa Akin ang iyong tiwala, pangako, hindi ka mabibigo.”

          “Naniniwala po ako sa Inyo,” sagot niya.

          Umagos ang luha ni Adrian ng ikulong siya sa mga bisig ng Panginoon.

          “Maligayang pagbabalik, aking mahal na anak.”

          PARANG ipu-ipong bumalik ang lahat sa kanyang isipan pagtapak ng mga paa ni Adrian sa loob ng Epouranios. Wala na ang kapangyarihan nagbibigay ng proteksiyon sa paligid. Tahimik at wala ng mga anghel ang nasa loob niyon, ngunit hindi pa rin nagbago ang magandang kapaligiran ng lugar na iyon.

          “Epouranios, nagkita tayong muli,” aniya.

          Malungkot siyang napangiti matapos makita ang lugar kung saan sila nagsasanay kung paano gumamit ng pana at palaso. Kinuha ni Adrian ang isang pares ng pana at palaso, pagkatapos ay inasinta iyon sa isang prutas na nakasabit sa puno, pagkatapos ay agad na pinakawalan ang pana. Nang bumagsak ang bunga ay nilapitan niya iyon. Naluha si Adrian ng maalala si Haniel, maging ang mga kasama niyang Praelia. Kung hindi dahil sa kapangahasan niya noon, baka hindi sila naghiwa-hiwalay. At kung alam lang niya na si Hans at Haniel ay iisa, sana ay kinausap na niya ito agad.

          “Patawarin ninyo ako, mga kaibigan. Ramiel, Raphael, hahanapin ko kayo, hintayin n’yo ako. Haniel, babalikan kita. Hindi ako papayag na makuha ka ni Lucifer,” sabi ni Adrian.

          Mula doon sa itaas sa Epouranios ay bumaba siya sa mga ulap at tumingin sa mundo.

          “Angela, gagawin ko ng tama ang responsibilidad ko dito. Pagkatapos, babalikan kita. Hintayin mo ako, tutuparin ko ang binitiwan kong pangako.”

          “Ang unang Praelia!”

          Bigla siyang napalingon matapos marinig ang nagsalitang iyon. Binuka ni Adrian ang isang kamay at agad lumabas ang kanyang espada, matapos makita ang isang itim na anghel sa di kalayuan.

          “Sino ka?” tanong niya.

          “Rosier, kampon ni Lucifer at isa sa pitong magiting na kawal ng kadiliman. Ang iyong mahigpit na kaaway,” pagpapakilala nito.

          “Anong kailangan mo?”

          “Ikaw at ang buhay mo, ibigay mo sa akin!”

          “Nasisiraan ka na ng ulo, isa akong tagapaglingkod ng Diyos. Hinding-hindi ko Siya magagawang talikuran!” galit na sagot niya.

          “Hindi totoo ang mga pangako niya. Kung inaasahan mo na makakabalik ka pa sa lupa, kalimutan mo na ‘yon! Hindi mo na mababalikan ang babaeng mahal mo kapag pinagpatuloy mo ang paglingkod sa Kanya. Hindi totoo ang mga sinabi Niya.

Kapag sa amin ka kumampi, makakasiguro kang makakabalik ka sa lupa kahit na kailan mo pa gusto.”

          Biglang humangin ng malakas at hinanda ni Adrian ang kanyang sarili sa unang laban niya bilang anghel.

          “Huwag mong bilugin ang ulo ko, Rosier! Alam mo na hindi mo ako madadala sa mga salita mo, hinding-hindi ako magtataksil sa aking Panginoon. Hindi mo ako madadala sa panig ninyo!” sagot niya.

          Binuka ni Rosier ang isang kamay at lumabas din ang espada nito.

          “Kung ganoon, ang babaeng mahal mo ang kukunin ko!” sigaw ni Rosier.

          “Huwag mong idamay si Angela dito!” sagot niya at mabilis siyang lumipad pasugod sa kalaban.

          Sinalubong siya ni Rosier at tumama ang espada niya sa hawak nitong espada. Isang nakakasilaw na liwanag ang nagmula at pumalibot sa kanila. Malakas niya itong tinulak kaya tumilapon ito sa malayo. Mabilis na lumipad si Adrian at sinundan si Rosier, pero hindi pa siya nakakalayo, biglang sumulpot sa kanyang harapan ang itim na anghel at agad na inundayan siya ng saksak.

          Agad na naisalag ni Adrian ang kanyang espada, mahigpit niya iyong hinawakan at pilit nilalaban ang pagtulak ni Rosier ng espada nito palapit sa kanya.

          “Hindi mabubuo ang Aurae Praelia!”

          “Kahit kailan ay hindi nanalo ang kasamaan!”

          Inipon ni Adrian ang kanyang lakas saka tinulak si Rosier palayo sa kanya, mula sa espada ay napalitan ng pana ang kanyang sandata. Inasinta niya sa kalaban ang pana at agad na pinakawalan iyon. Napasigaw si Rosier ng tumama sa balikat nito ang kanyang pana at agad na napahawak ito doon.

          “Magkikita pa tayo, Praelia! Tandaan mo ang sinabi ko sa’yo noon! Nasa panig namin ang isang praelia!” malakas na sigaw ni Rosier, saka agad na nawala.

          Napabuntong-hininga siya, alam ni Adrian na si Haniel ang tinutukoy nito. Muling tumingin sa ibaba si Adrian.

“Hindi ako papayag na may isang masaktan sa inyo,” aniya, pagkatapos ay mabilis siyang lumipad pabalik sa Langit.

Patuloy na basahin ang aklat na ito nang libre
I-scan ang code upang i-download ang App

Pinakabagong kabanata

Higit pang Kabanata
Galugarin at basahin ang magagandang nobela
Libreng basahin ang magagandang nobela sa GoodNovel app. I-download ang mga librong gusto mo at basahin kahit saan at anumang oras.
Libreng basahin ang mga aklat sa app
I-scan ang code para mabasa sa App
DMCA.com Protection Status