Share

Chapter 2

Author: Miss Juris
last update publish date: 2020-09-23 13:06:21

          EPOURANIOS…”

          Nagtaka si Adrian ng bumukas ng kusa ang isang lumang gate sa harap niya. Pagpasok ay agad na kumabog ang kanyang puso. Napapikit siya ng lumiwanag ang paligid, nakakasilaw iyon at hindi niya kayang titigan kahit sandali lang. Mayamaya, isang tinig ang kanyang narinig mula sa loob.

          “Anak…”

          Napamulat siya, doon niya napansin na iba na ang paligid, napunta siya sa isang napakagandang lugar. Mahirap ipaliwanag ang klase ng ganda ng lugar iyon. Malamig pero banayad ang ihip ng hangin, at sa kanyang unahan, natanaw niya ang isang napakalaking gate na gawa sa ginto. Mula doon ay naririnig niya ang maraming tinig na kumakanta. Tila may puwersang humihila sa kanya papunta sa lugar na iyon.

          “Nasaan ako? Anong lugar ‘to?” tanong niya.

          “Anak…”

          Napalingon si Adrian. Isang anghel ang nakita niyang nakalutang sa hangin. Nakangiti ito sa kanya, mayamaya ay tumapak ang mga paa nito sa lupa.

          “Sino ka?”

          “Anak…”

          “Nasaan ba ako?”

          “Malapit na ang pagbabalik mo,” wika ng anghel.

          “Hindi kita maintindihan.”

          Napalingon siya ng may biglang batang lumapit sa kanya at yumakap sa beywang niya.

          “Bumalik ka na!” nakangiting sabi nito.

          “Sandali, sino ka?” nalilitong tanong niya.

          May pinakita itong prutas, na pana sa gitna niyon.

          “Salamat dito ha?”

          “Sa akin galing ‘yan?”

          “Haniel! Halika na, laro na tayo!” tawag ng isang bata dito.

          “Haniel…” bulong niya.

          Pero biglang bumuka ang tinatapakan niya at tuluyan siyang nahulog.

          “Haniel!” sigaw ni Adrian.

          Bigla siyang napabalikwas ng bangon.

          “Haniel!” sigaw niya. Paglingon ni Adrian, saka lang niya napansin na naroon siya sa loob ng opisina. Napapikit siya saka hinalamos ang palad sa mukha. It’s just a dream, pero parang totoo ang lahat. Parang siyang nasa ibang mundo. Pero mas ang nakakapagtaka, payapa ang damdamin niya noong naroon siya.

          “Epouranios…”

          Napalingon si Adrian ng biglang pumasok si Sky.

          “Kuya! O, gising ka na pala! Ready ka na mag-interview?” tanong nito.

          “Yeah.”

          Nang lumabas ang kapatid ay muli siyang napasandal.

          “Sino ba si Haniel? Ano ang Epouranios?” tanong niya.     

          Nalilito pa rin na napaisip si Adrian. Habang tumatagal, lalo siyang naguguluhan sa mga nangyayari sa kanya. Nailapat niya ang palad sa tapat ng puso niya, matapos maramdaman na parang biglang sumakit iyon. Huminga siya ng malalim at ni-relax ang isip.

          “ANO? READY?”

          Pinilit ngumiti ni Nami saka marahan tumango kahit ang totoo ay malakas ang kaba niya. Kakatok na sana si Sky sa pinto ng bigla niyang pigilan.

          “Teka, okay na ba itsura ko? Mukha na ba akong aplikante?” tanong nito.

          “You’re beautiful,” sagot nito saka ngumiti.

          Kumatok ng tatlong beses si Sky, bago nito iyon buksan.

          “Hi Kuya, Nami is here,” anang kaibigan, pagkatapos ay lumingon sa kanya.

          “Pasok ka.”

          Pagpasok ni Nami bumungad sa kanya ang isang matangkad na lalaki na nakatalikod. He has broad shoulders at likod palang ay parang guwapo na agad ito. Parang huminto ang mundo niya ng humarap ito. Hindi alam ni Nami kung nahalata ng dalawa, pero pakiramdam niya ay namutla siya at lalong kinabahan. Para siyang pinako sa kinatatayuan habang nakatulala sa guwapong mukha nito.

          Shocks, siya ‘yon lalaki sa hotel!” tili niya sa kanyang isipan.

          Napansin ni Nami na napakunot-noo ito. Mayamaya ay lumapit ito sa kanya at tinitigan siya ng husto sa mukha. Tinitigan maigi ang mga mata niya, habang siya ay halos mahimatay na sa kaba. Pakiramdam ng dalaga ay bigla siyang pinagpawisan ng malamig.

          “Have we met before?” kunot-noong tanong ni Adrian.

          Parang nalunok ni Nami ang dila at hindi niya magawang makapagsalita.

          “Shocks! Nakilala nga niya yata ako! Panginoon ko, pangako ho magpapakabait muna ako ngayon. Sige na, palagpasin n’yo na ako ngayon araw na ‘to!” tila niya sa kanyang isipan.

          Nagtaka si Nami ng biglang mapangiti ang binata. Sa isang iglap ay nawala sa pag-aalala ang kanyang atensiyon at napunta sa guwapong mukha nito.

          “Hay, ang guwapo talaga niya. Ang akala doon sa elevator ng hotel na ang una’t huling pagkikita natin. Buti na lang nakasalubong pa kita bago ako umuwi. Sino ba ang mag-aakala na mukhang ikaw pa yata ang magiging boss ko? OMG! Destiny na itu!”

          Muling nagsalubong ang kilay nito. Wala siyang narinig na kahit ano mula dito, hanggang sa makalipas ang ilang sandali ay bumuntong-hininga ito.

          “Tama, naalala ko na. I saw you before, how can I forget?”

          Biglang natauhan si Nami dahil sa narinig.

          “Anak ng… buking na yata ako ah? Tatakbo na ba ako?” sabi niya sa sarili.

          “Ikaw ‘yong babae sa hotel kanina, di ba?”

          “P-po?” kandautal na tanong niya.

          “Yeah, I’m right. Ikaw ‘yong babae na nakabangga ko malapit sa entrance ng hotel. Ikaw ‘yon, di ba?”

          Pakiramdam ni Nami ay nakahinga siya ng maluwag sa narinig. Kaya noon pa lang siya nakahinga ng maluwag.

          “Y-yes Sir, a-ako nga po iyon. Nice to see you again,” sabi pa niya.

          Parang may nag-hallelujah sa puso niya ng gumuhit ang magandang ngiti ng binata.

          “Same here,” sagot nito.

          This man in front of her is the example replica of the word perfection. His mesmerizing and gorgeous chinky eyes, his flawless fair complexion, those think eyebrows, that pointed nose, and kissable red lips. Ang kulay tsokolate at tuwid na buhok na tumatakip sa noo ng binata. His wide and broad shoulders, parang gusto niyang maging unggoy kahit minsan at lumambitin doon. Parang nakatingala si Nami sa isang mamahalin na anito dahil sa tangkad ng lalaki. Hindi maintindihan ni Nami kung bakit niya pinupuri ang lalaki sa kanyang isipan, kung bakit niya na-appreciate ang kaguwapuhan nito. Ngunit hindi rin niya kayang ipagkaila ang lakas ng dating nito sa kanya. Hanggang sa namalayan na lang ni Nami na bumibilis ang tibok ng kanyang puso habang tumatagal na nakatitig siya dito.

          “Si Kuya na ang bahala sa’yo. Babalik muna ako sa kitchen,” sabi ni Sky.

          “Sige,” sagot ni Nami.

          Nang maiwan sila ay saka siya lumapit sa mesa.

          “Hi Nami, I’m Adrian Alejandro, owner of this restaurant. Have a seat,” nakangiting pagpapakilala nito sa sarili, sabay lahad ng palad sa kanyang harapan.

          Nang tanggapin niya ang pakikipagkamay nito. May kakaiba siyang naramdaman ng lumapat ang kamay nito sa kanya. Kakaibang init ang nagmumula doon. Nang tingnan niya ito sa mga mata, bigla siyang nakaramdam ng guilt dahil sa pagpapanggap niya. At kahit na alam na niyang nakalusot na siya. Hindi pa rin maiwasan ni Nami na nerbiyusin kaya nanlalamig ang kanyang mga kamay. Sinubukan niyang kalmahin ang sarili pero ayaw talaga siyang lubayan ng nerbiyos. Hanggang sa mga sandaling iyon ay kabado pa rin siya na baka mamukhaan siya nito. Sino ba naman kasi mag-aakala na ang nakabangga niya sa hotel ay ang boss niya?

          “Are you okay?” nakakunot-noong tanong nito.

          “P-po? Ah… opo! Medyo kabado lang.”

          Marahan itong natawa. “Don’t be, we will just talk casually. Ayoko rin naman ng masyadong pormal.”

          Pinilit niyang ngumiti. “Sige po,” sagot niya.

“Have a seat,” ani Adrian.

Napansin ni Nami na saglit itong natigilan ng buklatin ang folder na pinaglalagyan ng resume niya. Nakatitig lang ito doon at hindi halos kumikibo, pagkatapos ay bigla itong napaisip ng malalim.

          “Angela…” basa nito sa totoong pangalan niya, pagkatapos ay bigla ulit itong tumahimik.

          “Sir?

          Bigla itong napatingin sa kanya bago tumikhim.

          “According to your resume, two-years ka ng huminto sa pagwe-waitress. Anong ginawa mo sa loob ng dalawang taon?”

          “P-po? Ah…”

          Biglang nataranta si Nami. Sa isang iglap ay hindi niya alam ang isasagot. Siyempre, hindi naman niya sasabihin ang totoo.

          “Ano po… ah… nag-business po kami ng family ko. Ako po ang nag-asikaso no’n sa loob ng dalawang taon. Pero lately po kasi hindi na maganda ang takbo ng negosyo, kaya nag-desisyon po ako na bumalik sa pagwe-waitress,” pagsisinungaling niya.

          “What kind of business?”

          “Ha?”

          “Ang sabi ko, anong klaseng business?”

          “Ano… ah, buy and sell po,” sagot niya.

          “Ano naman ang mga products na binebenta mo?”

          Tumikhim siya.

          “Mga ano po, damit, shorts, blouses, panty, bra… brief, boxers. May pang maliit, may pang malaki,” walang preno niyang sagot.

          Bigla siyang natahimik ng marinig na tumikhim ito.

          “Ay naku Nami, ‘yang bunganga mo. Balasubas talaga kahit kailan,” kastigo niya sa sarili. Napatingin siya ulit sa kaharap ng mapansin na parang natatawa ito, pero agad din bumalik ang pagiging seryoso nito.

          “Nakalagay dito sa resume mo, hindi ka nakatapos ng college, can I ask why?”

          Bumuntong-hininga si Nami. “Kailangan ko po kasing magtrabaho agad dahil walang susuporta sa Nanay ko. May sakit po kasi sila ng ate ko ng mga panahon na iyon, hanggang sa mamatay po sila ng sabay, ako na po ang bumuhay sa sarili ko. Hindi na po ako nakabalik sa pag-aaral,” sagot niya.

          “Oh, I’m sorry to hear that,” sabi ni Adrian saka binasa ang resume niya.

         

“According to your experience and your achievements and your credentials,

seems like you will be an asset to this restaurant. From your previous work, lagi kang may award for excellent employee. Hindi na ako magtatanong ng iba pa. I will just trust my sister for recommending you, and I hope you will not fail me,” nakangiting sabi ni Adrian.

          Bumuka ang bibig niya sa pagkabigla dahil sa narinig na sinabi ni Adrian.

          “Talaga po?!”

          Natatawang tumayo si Adrian. “Yes, welcome to Chef’s Face, you’re hired.”

          Nang ilahad nito ang kamay ay agad niyang tinanggap.

          “Naku Sir Adrian, thank you po. Thank you very much po! Pangako, hindi kayo mapapahiya ni Sky sa akin!”

          “Aasahan ko ‘yan.”

          “Opo!”

          “Bumalik ka dito bukas para makapirma ka ng contract at makausap mo ‘yong isa sa HR Staff natin. Nang sa ganoon ay mai-discuss nila sa’yo ang rules and regulations dito sa Restaurant. Be here by eight in the morning,” paliwanag ni Adrian.

          “Sige po, Sir.”

          Nakatayo na siya sa kinauupuan ng may maalalang itanong.

          “Ay Sir, may itatanong po pala ako?”

          “Ano ‘yon?”

          “Bakit po pala Chef’s Face ang pangalan nitong restaurant?” tanong ulit niya.

          Napakunot-noo si Nami ng biglang tumawa si Adrian, pagkatapos ay biglang hinimas nito ang baba.

          “Hindi pa ba obvious?” sa halip ay sagot nito.

          Alanganin siyang ngumiti. “Sorry po ah, pero hindi ko gets eh,” pag-amin niya.

          Bumuntong-hininga ito. Biglang nahigit ni Nami ang hininga ng ilapit nito ang

mukha sa kanya.

          “See this face? Itong mukhang ‘to, ang sagot sa tanong mo.”

          “Ah, dahil guwapo ka?” nakakunot-noong hula niya.

          Tumawa na naman ito, pagkatapos ay kumindat sa kanya pagkatapos tawa ulit ng malakas na tila bigla itong nahiya sa ginawa dahil namula ang mukha nito. Hindi napigilan ni Nami ang mapangiti. Noong unang beses niyang makita si Adrian sa hotel. Buong akala niya ay seryoso itong tao, hindi niya akalain na palabiro pala ito. Dahilan para maging palagay ang kanyang kalooban. Something that she felt for the first time, after a long time.

          “Naku Sir, palabiro pala kayo. Sabagay, wala naman duda na guwapo ka,” nakangiting pakikisakay niya sa biro nito.

          Nakipag-high five ito sa kanya. “Magkakasundo tayo kung palagi kang ganyan, Nami, dahil diyan, bibigyan kita ng regalo,” ani Adrian, natawa si Nami ng bigla siyang binigyan nito ng flying kiss.

          “Masuwerte ka, ang mga taong nakakakita ng kaguwapuhan kong ito ang binibigyan ko ng special flying kiss ko na ‘yan,” sabi pa nito.

          Natawa na naman silang dalawa.

          “Mukhang mag-e-enjoy ako sa pagta-trabaho dito, Sir.”

          “That’s good. Kailangan ng malakas ang self-confidence mo kapag dito ka nagtrabaho. Bawal mahiyain,” sabi pa nito.

          “So, paano? I’ll see you on your first day?”

          “Yes Sir!” masayang sagot ni Nami.

          Matapos magpaalam kay Sky ay agad siyang umalis. Paglabas niya ng restaurant ay magaan ang pakiramdam niya. Tiningnan ni Nami ang laman ng paper bag na hawak.

          “Pahinga muna tayo, ha? Good girl muna ang peg natin ngayon. Mahirap na, baka madale tayo,” sabi pa niya, bago pinagpatuloy ang paglalakad.

          NAGTATAKANG sinundan ng tingin ni Nami ang pinsan niya na si Mabel, matapos siyang tingnan nito simula ulo hanggang paa.

          “Huy, ano bang problema mo?”

          “Grabe Ate, kagalang-galang yata ang itsura mo ngayon. Saka…” sabi nito habang nakatingin sa suot niya. Slacks at longsleeve, habang naka-high-heeled shoes siya, pagkatapos ay tumingin pa sa buhok at mukha niya.

          “… ang nipis yata ng make-up mo at hindi ka naka-wig. Kaninong lamay ang punta mo?”

          Bigla niya itong hinampas sa braso.

          “Aray naman, ‘te!”

          “Kapag naka-pormal, lamay agad? Ikaw iburol ko diyan, nakita mo! Pipirma ko ng kontrata ngayon sa Restaurant na papasukan ko!” sagot niya.

          Nanlaki ang mga mata ni Mabel. “Wow, talaga?! Hindi ka na manggagantso!” walang prenong sabi nito.

          “Gantsilyuhin ko kaya bunganga mo! Tumahimik ka nga! Magpapahinga lang ako! Dahil Congressman ‘yong huling dinali ko. Kaya, going straight muna ako,” sabi niya.

          “Ah, akala ko pa naman dinalaw ka na ng anghel at bigla kang nagbago,” sagot ni Mabel.

          “Loka, hindi totoo ‘yang mga anghel! Kalokohan lang ‘yan. Saka kung totoong may anghel, bakit hindi nila sinagip si Ate nung tumalon siya sa building?” mabigat ang dibdib na tanong niya.

          Bumuntong-hininga si Mabel. Sa pagkakataon na iyon ay nag-seryoso na ito.

          “Hay naku, ayan ka na naman! Walang may kasalanan sa nangyari kay Ate Nikki. ”

          “Hindi Mabel, kasalanan ng mga mapang-abusong mga lalaki ang lahat ng nangyari sa pamilya ko!” maluha-luhang giit niya.

          “Pero hanggang kailan mo magagawang manloko dahil sa galit mo?” tanong ni Mabel.

          “Hindi ko alam.”

          Yumakap si Mabel sa beywang niya.

          “Sana maging maganda at maayos na ang trabaho mo. Para hindi ka na bumalik sa ginagawa mo, ako ang natatakot kapag may raket tayo, pakiramdam ko mahuhuli tayo ano man oras. Saka baka magduda na rin ‘yong mga kasamahan ko sa hotel. Pero ngayon na may maayos na trabaho ka na ulit. Mapapanatag na ako, sa akin ka binilin ni Tita Azon bago siya mawala. Baka mamaya multuhin ako no’n kapag pinabayaan kita,” sabi pa nito. Napangiti si Nami. Si Mabel ang pinsan niya at mistula isang matalik na kaibigan na palaging nasa kanyang tabi. Dalawang taon lang ang tanda niya dito.

          Nami hate men. Labis niyang kinamumuhian ang mga lalaki. Buong buhay niya, lumaki si Nami na naging saksi kung paano saktan ng mga lalaki ang pamilya niya. Ang unang lalaking nanakit sa kanya, ang Tatay niya. Nami was only eight years old back then, nang malaman nila na hindi sila ang tunay na pamilya nito. May pamilya pala ito sa abroad, at ang Nanay niya ay kabit nito. Sa huli, iniwan sila ng ama at tuluyan sumama sa pamilya nito. Labis iyon dinamdam ng Nanay niya, dahilan para maging mahina ang puso nito at naging masasakitin.

Sa paglipas ng panahon, lumaki silang magkapatid, natuto silang umibig ng Ate niya. Ngunit sinaktan at niloko ang Ate niya ng boyfriend nito, labis nitong dinamdam ang nangyari. Ang pagkabigo sa pag-ibig ang nagtulak sa kapatid na tumalon sa kamatayan nito mula sa pinakatuktok ng gusali na may twenty floors. Nang mabalitaan ng kanyang ina ang nangyari, hindi kinaya ng Nanay niya ang balita. Inatake ito sa puso na agad nitong kinamatay. Sa isang iglap, dalawa sa pinakamamahal niya sa buhay ang binurol at nilibing niya.

         

Nang mga panahon na iyon ay may boyfriend siya, ang lalaking pinaka-una niyang minahal, si Rommel. Nang mawala ang dalawang mahal niya sa buhay, ang inakala ni Nami ay magiging sandigan niya si Rommel, na sa oras ng pag-iisa ay ito ang magiging karamay niya. Ngunit nagkamali siya ng akala. Isang araw matapos mailibing ang kanyang Nanay at Ate Nikki. Dahil sa sobrang lungkot niya doon sa bahay nila, nag-desisyon siyang pumunta sa bahay ng binata. Ngunit isang eksena ang kahit na sa panaginip ay hindi niya inakalang mangyayari sa kanya. Pagbukas ng pinto ay isang babaeng nakatapis lang ng tuwalya ang bumungad sa kanya. Hindi pa siya agad nakita ni Rommel at yumakap agad ito sa beywang ng babae. Pag-angat nito ng tingin, doon lang siya nakita nito at agad na namutla ang mukha pagkakita sa kanya. Halos makalbo niya ang babae ng mag-away sila at tumakbo ito palabas ng bahay na nakatapis lang ng tuwalya. Habang si Rommel naman, hindi niya alam kung saan at kung ilang beses niyang hampas ng walis ang manloloko na iyon.

          Simula noon, sinumpa na ni Nami ang mga lalaki. Tuluyan siyang nawalan ng tiwala sa mga ito. Siya, ang Ate Nikki niya, maging ang kanilang ina. Lahat sila ay biktima ng mga lalaking walang konsensiya at walang alam kung hindi paglaruan ang damdamin ng mga babae. Mga lalaking ang tingin sa mga kababaihan ay sex object.

Kaya matapos ang masaklap na kinahinatnan niya, ng Nanay at Ate Nikki niya, dahil lintik na pagmamahal at mga lalaking iyan. Sinabi niya sa sarili na hinding-hindi siya magpapakatanga. She vowed in her Sister and Mother’s grave, na gaganti siya. Tutal, gamitan din lang ang gusto ng mga ito. Gagamitin din niya ang mga lalaking ito para magkapera. Kapag nakuha na niya ang gusto, saka siya aalis na tangay ang pera at na hindi man lang siya natitikman ng mga ito. No mercy, iyon ang tumatak sa isip niya. Bakit siya maaawa sa mga lalaking naging dahilan ng pagkamatay ng pamilya?

          Pero ngayon nakahanap siya ng maayos na trabaho. May parte sa damdamin niya ang tila gumaan, parang naalis ang isang mabigat na batong nakadagan sa kanya. Nang makalabas siya sa Chef’s Face Restaurant ng gabing iyon at makita ang mga gamit sa loob ng paper bag. Suddenly, she wants to get rid of them. Napabuntong-hininga si Nami, may kakaiba kay Adrian Alejandro na hindi niya maipaliwanag. Parang may tinig sa kanyang isipan na nagsasabi na talikuran na ang mga ginagawa.

          At kahapon, sa elevator ng hotel. Napatunayan ni Nami ang pagiging magalang ni Adrian. Sa kabila ng pagsisiksikan ng mga tao, at kahit alam nitong nakadikit na ang dibdib niya sa lalaki. Hindi man lang ito nagsamantala, sa halip ay umiwas ito ng tingin. Hindi gaya ng karamihan ng mga lalaki na agad ngumingisi sa kanya at kahit hindi magsalita ay alam niyang nababastos siya sa mga tingin ng mga ito.

          “Eh kumusta naman pala ang raket mo kahapon?” tanong ni Mabel.

          Bigla siyang napangiwi ng maalala ang kasama niyang Congressman kahapon.

          “Ayun, amoy aspalto ang matandang mahilig!”

          Humagalpak ng tawa ang pinsan niya.

          “Na-tsansingan ka?”

          “Hindi ah! Eh di sinipa ko itlog niya! No money, no touch!”

          “Eh bakit sa iba nagpapahalik ka?”

          “Kapag pogi, pero kapag ganun candidate na papunta sa kabilang buhay. NO way!”

          “Iyong totoo, Ate Nami. May naging customer ka na naka-galaw sa’yo?”

          “Virgin pa rin ako! Intact pa rin ang Bataan ko kahit naman ganito ako, no? Alam mo naman kung paano ako mag trabaho. Eh di kung mayroon, matagal akong lumabas ng hotel room!”

          “Kaya nga kinakabahan ako sa tuwing ginagawa mo ‘yan, lagi kong naiisip, paano kapag naka-tyempo ka ng lalaking hindi mo mauto? Ikaw rin ang kawawa. Mabuti na lang madaling utuin iyong si tandang Congressman,” sabi pa ni Mabel.

          Natawa si Nami ng maalala kung paano siya nakatakas sa matandang Congressman na iyon.

          “Babe, bilisan na natin pumasok sa kuwarto! Sabik na sabik na ako sa’yo eh,” sabi ni Congressman.

          “Naku eh, hinay-hinay, baka atakihin ka sa puso. Konsensiya ko pa,” sagot ni Nami.

          Pagpasok nila sa private room, agad siyang niyapos nito at agad na hahalik sana. Pero mabuti na lang at naiharang niya ang kamay sa nguso nito.

          “Ah babe… maligo ka muna, ha? Kasi medyo… amoy… aspalto ka… saka mas

masarap di ba? Kapag bagong paligo tayo,” sabi niya na sadyang nilambingan ang boses.

          “Sabay tayo, Babe!”

          “Ay naku Babe, ayoko! May surprise ako sa’yo mamaya eh,” tanggi niya.

          “Talaga ba?”

          “Oo babe, kaya ligo ka na muna!”

          Nagmamadaling naghubad ang Congressman. Papasok na sana ito sa banyo ng pigilan niya ito.

          “Ah babe, puwede ko bang makuha na ‘yong pinangako mo sa akin na pera? Eh kasi, kailangan magbayad ng tuition ng kapatid ko. Naghihintay na siya sa lobby, ibibigay ko lang habang naliligo ka,” sabi niya.

          “Iyon lang naman pala, sige babe,” sagot ni Conressman.

          Lihim siyang napangisi ng ilabas nito ang thirty thousand pesos cash.

        “Thank you, babe!” malambing na sabi niya saka hinalikan ito sa nakakalbong bumbunan.

          “O sige, maliligo na ako ha? Bumalik ka agad,” sabi nito.

          “Okay,” sagot niya.

          Kunwari ay may dinaial siya sa phone.

          “Hello Marcial, pababa na ako. Hintayin mo lang ako diyan,” sabi pa niya.

          “Balik ka agad, babe!” pahabol pa ni Congressman.

          Nginitian niya ito ng matamis, pagkatapos ay nag-flying kiss pa siya. Paglabas na paglabas niya ng hotel room ay agad niyang sinilid sa bag ang pera at tumakbo papunta sa CR. Pagdating doon, gaya ng inaasahan, naroon na si Mabel at naghihintay. Hindi ito kumibo at simpleng tumango lang saka palihim na sumenyas ng dalawa. Ibig sabihin, nasa ikalawang cubicle ang pamalit niyang damit. Agad siyang pumasok doon at mabilis na nagpalit. Hinubad ang mahabang blonde hair extension at hinugasan ang buhok niya sa lababo para maalis ang washable blonde hair color na ginagamit niya sa buhok sa tuwing may raket siya. Nang tuluyan maalis ang blonde color sa buhok niya ay saka siya muling bumalik sa cubicle saka doon pinunasan ang buhok niya. Pagkatapos ay inalis ang pekeng nunal, nagbihis ng simpleng maong na pantalon at t-shirt, saka nagsuot ng rubber shoes. Pagkatapos ay naghilamos siya at inalis ang make-up.

          Paglabas ng cubicle ay wala na roon si Mabel, na nagtatrabaho bilang isang housekeeper sa hotel na iyon. Nakalabas si Nami ng hotel na iyon ng maayos, habang naglalakad palayo ay napangisi siya.

          “Iyan ang napapala ng mga manloloko! Matanda na mahilig pa,” sabi pa niya.

         Napalingon si Nami ng makitang nagkakagulo na sa may entrance. Mula doon sa malayo, nakita niya ang Congressman, halatang natataranta ito dahil naka-bathrobe lang ito habang nagkakagulo ang mga staff.

          Hindi maiwasan ni Nami na mapangiti ng maalala si Adrian. Mabuti na lang at magaling siyang mag-disguise at ang naalala lang nito ay ang nagkabanggaan sila sa may harap ng entrance ng paalis na siya. Hanggang ngayon, gaya ng una niyang impression dito. Guwapo ang binata. Pero matapos niya itong makausap, tila may misteryo ang pagkatao nito. Sa kabila ng mukhang palabirong personalidad nito, there’s something in his eyes that is hard to explain.

Continue to read this book for free
Scan code to download App

Latest chapter

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status