Share

Chapter 5

Author: Miss Juris
last update publish date: 2020-09-24 13:00:32

          “SIGURADO ka bang kaya mong pumasok?” tanong pa ni Mabel sa kanya.

          Ngumiti si Nami sa pinsan saka marahan tumango.

          “Oo, okay na ako. Saka hindi ako puwedeng umabsent ngayon, may special reservation kami. Nangako ako kay Sir Adrian na mado-double shift ako ngayon,” sagot niya.

          Bumuntong-hininga si Mabel.

        “Hay… mabuti na lang talaga, dumating ang mga security. Kung hindi, naku, Angela talaga! May kinalagyan ka sa lalaking iyon.”

          Nang mawalan siya ng malay, ang kuwento ni Mabel sa kanya, mula sa CCTV ng hotel. Nakita ng mga ito ang paghabol sa kanya ni Lance simula pa lang sa hallway. Nasa second floor na daw sila ng maabutan ng mga security, hinuli daw si Lance ng mga ito saka hinand-over sa pulis. Simula doon ay dinala siya sa malapit na ospital, doon na rin siya nagkamalay. May mga pulis na nagtanong kung gusto niyang ireklamo o sampahan ng kaso si Lance. Pero pakiramdam niya ay mali din siya sa nangyari, kaya minabuti na lang ni Nami na huwag na itong demanda. Inamin din niya sa mga ito na tinangka niyang takasan si Lance matapos makuha ang pera. Mabuti na lang at hindi siya kinulong dahil na rin sa abogadong tumulong sa kanila, na hanggang ngayon ay hindi niya alam kung kanino galing. Sa halip ay nagrequest na lang siya ng Temporary Restraining Order laban kay Lance. Nang gabing iyon, ay pinauwi rin sila ng doctor matapos niyang makapagpahinga.

          Pero hindi na siya nakatulog buong gabi sa kakaisip, at hanggang sa mga sandaling iyon ay hindi pa rin siya makapaniwala sa mga nangyari. Muntik na siyang mapahamak, at wala ibang dapat sisisihin si Nami kung hindi ang sarili. Biglang niyang naalala ang sandali kung saan hinahabol siya ni Lance. Hindi maintindihan ni Nami kung bakit sa dami ng tatawagin niya sa kanyang isipan, si Adrian ang una niyang naalala.

          “Teka, sino ba iyong abogado na tumulong sa atin. Paano mo nakilala ‘yon?” tanong niya.

          Napansin niya na biglang umilap ang tingin nito.

          “Ay bibili nga pala ako ng pagkain natin,” biglang pag-iiba sa usapan ni Mabel, saka agad na tumayo. Nagtaka siya dahil halatang umiiwas ito.

          “Mabel, may hindi ka ba sinasabi sa akin?”

          Hindi nito naituloy ang paglabas saka dahan-dahan lumingon sa kanya.

          “Eh kasi… sabi niya huwag ko daw sabihin sa’yo,” sabi nito.

          Lumapit siya sa pinsan. “Linawin mo nga ang sinasabi mo!”

          “Si Adrian, ang boss mo. Ang totoo siya ang nagligtas sa’yo mula kay Lance, kasama niya iyong mga security. Siya rin ang nagdala sa’yo sa ospital at siya rin ang nagpakilala sa abogado na tumutulong sa atin ngayon,” pag-amin ni Mabel.

          Hindi agad siya nakakibo. Namalayan na lang ni Nami na umaagos ang luha niya.

          “Si Adrian?”

          “Saka may kasalanan din ako, ate. Tinanong ni Adrian noong wala ka pang malay, kung ano daw ang nangyari? At saka kung ano daw ang ginagawa natin doon? Napaamin ako ng totoo, ate. Hindi ko alam, hindi ko maintindihan kung anong meron sa boss mo. Parang ang hirap magsinungaling noong siya na ang kausap ko,” paliwanag nito.

          “Alam na ni Adrian ang totoong ginagawa ko,” sabi niya sa isipan, kaya lalong umagos ang luha niya.

          “Ate, okay ka lang?”

          Nang bahagyang matauhan ay saka niya kinuha ang cellphone at agad na dinaial ang number ni Adrian.

          “Nami,”

          “Nasaan ka?” tanong agad niya.

          “Nandito sa bahay,” sagot ni Adrian.

          “Text mo sa akin ‘yong address. Kailangan kitang makausap ngayon,” sabi niya.

          “Magkikita naman tayo sa restaurant mamaya.”

          “Kailangan kitang makausap ngayon,” giit niya.

          “Okay, I will text you the address.”

          Nang matanggap na niya ang message ni Adrian ay agad siyang umalis at nagpahatid sa taxi driver sa address na binigay nito.

         

        KUNG IISIPIN, mas nakakatakot ang nangyari kagabi, kahit alam niyang mapapamahak ay lakas-loob na pumasok siya sa silid ni Lance. Ang katwiran kasi ni Nami, kaya niyang takasan ang hambog na lalaking iyon, tutal matagal na niyang ginagawa iyon. Ang manloko, pasakayin ang mga lalaki at perahan pagkatapos. But for the first time, noong makita niya ang nag-uumapaw na pagnanasa sa mga mata ni Lance. Nakaramdam ng takot si Nami, pilit na lang niyang nilakasan ang loob dahil hindi na siya makaatras pa.

Ngunit ngayon, naroon siya sa harap ng condo unit ni Adrian. Alam ni Nami na kapag pumasok siya sa silid na iyon ay hindi siya mapapahamak. Pero mas matinding takot ang nararamdaman niya ngayon. Hindi rin niya alam kung bakit siya naroon, maybe to explain herself, hindi hinihingi ni Adrian ang paliwanag niya, pero pakiramdam ni Nami ay iyon ang kailangan gawin. Dahil kung hindi sila magkakausap ngayon, wala siyang mukhang maihaharap dito sa mga susunod na araw. Pakiramdam ni Nami ay hindi mawawala ang bigat sa dibdib. Ayaw niyang maging dahilan din iyon para maapektuhan ang trabaho niya.

          Humugot siya ng malalim na hininga. Kakatok pa lang siya ng biglang bumukas ang pinto. Malayo sa inaasahan ni Nami na nakapormal ang mukha. Bumungad sa kanya ang nakasanayan na niyang nakikita kay Adrian, ang magandang ngiti nito.

          “Come in,” anyaya nito.

          Kabado pa rin na pumasok siya sa loob ng bahay.

          “Dito tayo sa dining table,” sabi nito. Binaba ni Nami ang bag saka sumunod dito. Naupo siya sa isang bakanteng silya, pagkatapos ay binigyan siya ng isang baso ng juice.

          “That’s freshly squeezed orange, drink it. Namumutla ka pa,” sabi nito.

        “Hindi ba dapat galit ka sa akin? Bakit kung umakto ka parang wala kang nalaman kagabi?” garalgal ang tinig na tanong niya.

          Ngumiti ito sa kanya, pagkatapos ay naupo sa bakanteng silya sa tabi niya.

          “Bakit naman ako magagalit sa’yo?” tanong ni Adrian.

          “Dahil nagsinungaling ako. Hindi ko sinabi na nanloloko ako ng mga lalaki para lang nakawan ko sila ng pera. Na hindi ako kasing bait gaya ng akala mo,” umiiyak nang sagot niya.

          Bumuntong-hininga si Adrian pagkatapos ay hinila ang silya palapit at nakangiting pinahid ang luha sa pisngi niya.

          “Wala ako sa posisyon para magalit. Sinabi ni Mabel sa akin ang lahat kagabi, kung bakit mo ginagawa iyon, at naiintindihan ko. Kung may pagkakamali ka man, iyon ay pinairal mo ang labis na galit sa puso mo. Pero biktima ka lang ng mga pangyayari sa buhay mo,” sabi nito.

          Lalo siyang napaiyak sa naging sagot nito.

          “Bakit ba ang bait mo sa akin? Bakit ba palagi kang nariyan kapag nalalagay ako sa alanganin? Hindi ako naniniwala sa mga anghel, pero parang gustong magbago ng isip ko simula ng makilala kita.”

          Nagkibit-balikat ito. “I don’t know, Nami. Basta ang alam ko, parang may humihila sa akin papunta sa’yo sa tuwing kailangan mo ng tulong.”

          “Ayokong masanay na palagi kang nandito sa tabi ko. Baka mamaya, bigla kang mawala at hanapin lang kita. Magre-resign na lang ako, hindi maganda ang nakaraan ko. Masama akong babae, nanloloko ako para magkapera at makaganti sa mga lalaking manloloko din!”

          Hinawakan ni Adrian ang kamay niya.

          “Kung lahat ng makasalanan dito sa mundo, ganyan ang katwiran. Kung ganoon, lahat tayo ay walang karapatan sa kung anong mayroon tayo ngayon. Nami, walang perpekto sa mundo bukod sa Panginoon. Kung palagi mong titingnan ang nakaraan at hindi makakausad dahil doon, lalong walang mangyayari sa buhay mo. Habang buhay mo ng gagawin ‘yan, hanggang sa tuluyan kang mapahamak. And don’t talk as if you’re giving yourself to them in exchange of money,” sagot nito.

          “Naniniwala akong mabuti kang tao, Nami. Noong unang beses pa lang tayong nagkita, there’s something in you I can’t describe. And the way you make me smile, I like that, and I can’t let you go. Ayokong mawalan ng isang maganda at magaling na empleyado.”

          “Empleyado lang ba? Dahil doon lang ba talaga? Hindi ba puwedeng dahil ayaw mo akong mawala sa buhay mo?” tanong niya sa kanyang isip.

          Sa wakas ay sumilay ang ngiti sa kanyang mga labi.

          “Thank you, Adrian.”

          Napatingin siya sa kamay nito ng umangat iyon at marahan siyang haplusin sa pisngi. Tulala siyang binalik ang tingin sa binata.

          “I find you special, Nami. I don’t know why, but I really do find you special. Sa tuwing nalalaman ko na nasa kapamahakan ka, sobra ang pag-aalala ko sa’yo. I always have this feeling that you need me. Pakiramdam ko kailangan kitang protektahan at palaging bantayan,” sabi ni Adrian.

          Hindi na napigilan ni Nami na yumakap sa binata.

          “Salamat sa pagtanggap mo sa akin. Thank you for always saving me,” lumuluha ulit na sabi niya.

          Napapikit siya ng maramdaman ang pagganti ng yakap nito.

          “I will always be here for you, always remember that,” sagot ni Adrian.

          Pakiramdam ni Nami ay gumaan na ng tuluyan ang loob niya. Her heart is

beating so fast for Adrian. May kakaiba siyang saya na nararamdaman ng mga sandaling iyon. At alam niyang hindi iyon isang simpleng saya, it is something different, a kind of happiness that is way deeper.

          NAGTAKA ang mga kasamahan ni Nami sa restaurant ng sabay silang dumating ni Adrian, sakay ng kotse nito. Pagpasok sa locker ay agad siyang inusisa si Thelma.

          “Huy, bakit kayo magkasabay ni Sir? Sinundo ka ba niya sa inyo?” magkasunod na tanong nito.

          “Ha? Hindi ah! Bakit naman ako susunduin ni Sir?” mariin tanggi niya.

          “Eh paano nga kayo nagkasabay?”

          Natatawang tumingin si Nami sa kaibigan.

          “Naabutan niya ako naglalakad papunta dito. Sinabay na niya ako sa kotse,” pagdadahilan niya.

          Bumuntong-hininga si Thelma. “Sayang naman, akala ko pa naman may something na.”

          “Anong something? Kayo talaga!” 

          “Sige na, mauna ka na magre-retouch lang ako.”

          Nang mapag-isa si Nami ay agad na sumilay ang magandang ngiti niya. Muling nag-replay sa kanyang isipan nang haplusin ni Adrian ang pisngi. Hanggang ngayon, sa tuwing naalala iyon, her heart is raising, it’s beating fast, at hindi niya alam kung paano sasawayin ang puso. Habang nasa gitna siya ng pag-iisip biglang tumunog ang phone niya. Nagtaka pa siya ng makitang si Adrian ang tumatawag.

          “Sir?”

          “Where are you?”

          “Nandito po sa locker, nag-aayos na lang po. Tapos punta na po ako sa loob,” sagot niya.

          “Bakit po? Late na ba ako?” tanong pa niya.

          Marahan tumawa si Adrian sa kabilang linya. “No, I just want to ask actually, if you’re okay now?”

          Nakaramdam ng kilig si Nami. Para siyang teenager, pakiramdam niya ay may lumulundag sa kanyang puso. 

          “H-ha? Ah, oo naman. Okay na ako.”

          “Medyo nag-aalala lang ako, dahil baka hindi pa maayos ang pakiramdam mo. Well, you can go home, kung hindi ka pa okay,” ani Adrian.

          “No, I’m okay. Don’t worry,” aniya.

          “That’s good.”

          Matapos iyon ay biglang natahimik ang kausap niya. Sa lakas ng kaba ni Nami ng mga sandaling iyon, pakiramdam niya ay naririnig iyon ni Adrian sa kabilang linya.

          “Ah, Sir? May… sasabihin pa po ba kayo?” tanong ni Nami.

          “Ha? Ah… wala na, sige, lumabas ka na lang sa dining area pagkatapos mo diyan.”

          “Okay po.”

          Huminga ng malalim si Nami at pinilit na kinalma ang dibdib, pinagpatuloy niya ang ginagawa, nang matapos ay lumabas na siya ng locker room. Pagpasok sa dining area, eksakto naman na lumabas mula sa kitchen si Adrian. Nang magtama ang tingin niya ay agad itong ngumiti sa kanya, hindi namalayan ni Nami na gumanti rin siya ng ngiti nito. Pagkatapos ay pumasok na ito sa loob ng opisina nito.

          Bigla siyang napalingon kay Olive, ang Manager nila, nang dumaan ito sa gilid niya, sabay sundot sa tagiliran.

          “Nakita namin ‘yon,” pabulong na tukso sa kanya.

          Napangiti na lang siya saka napailing. Nang tumingin si Nami sa iba pang mga kasamahan, nakita niya ang nanunudyong ngiti mula sa mga ito. Noong pumasok siya sa Chef’s Face, wala sa plano ni Nami ang magtagal doon. Gusto lang talaga niyang maglie-low sa raket dahil Congressman ang kanyang huling nabiktima. Pero bukod kay Adrian, naging dahilan ang maganda at mabait na pakikitungo ng mga kasama niya para mag-desisyon siyang tuluyan talikuran ang illegal na trabaho at ituloy ang mabuhay sa legal at marangal na paraan.

         

          GUSTONG bumulalas ng malakas na “yes!” ni Nami pagpatak ng breaktime niya. Simula ng mag-duty siya ng alas-dos ng hapon, hanggang ngayon alas-siyete ng gabi ay hindi pa siya nakakaupo, o kahit man lang inom ng tubig o patagong kain ay hindi niya magawa dahil sa dagsa ng customers. Kahapon pa lang kasi ay nagpaskil na ng announcement sa harap ng restaurant na magsasarado sila ng alas-siyete ng gabi dahil sa special reservation. Kaya marahil ay maagang pumunta ang mga regular customers nila.

          “Kumain ka na muna, Nami. Bago dumating ‘yong mga special guests natin,” sabi ni Sky.

          “Sige, kayo ba?” tanong niya.

          “Mamaya na kami. Mauna ka na, nandoon na iyong ulam natin sa pantry,” sabi nito.

          “Sige, thank you!” aniya.

          Paglabas ng main dining area, inalis muna ni Nami ang pagkakapusod ng buhok niya, saka walang babalang pumasok sa pantry. Nagulat pa siya ng maabutan doon si Adrian na kumakain.

          “Nandito ka pala,” sabi niya.

          “Nagutom na ako eh, kailangan may lakas ako, baka mamaya mabawasan ‘yong kaguwapuhan ko kapag hindi ako kumain. Masama sa negosyo ‘yon,” biro pa nito.

          Natawa si Nami, saka napailing. “Nakaka-miss ‘yang mga ganyan statement mo, iyong self-confidence at it’s finest,” tumatawang sabi niya.

          Ngumiti ito saka nag-flying kiss sa kanya, kaya lalong natawa si Nami.

          “Umupo ka na, tawa ka ng tawa diyan,” nakangiting sagot ni Adrian.

          Sinunod niya ang sinabi nito, pagkatapos ay ito pa ang kumuha ng pinggan maging ng kutsara at tinidor niya. Nang akmang sasandukan siya ng pagkain ay pinigilan na niya ito.

          “Naku Sir, huwag na! Ako na!” giit ni Nami, sabay hawak sa kamay nitong nakahawak sa sandok.

          “Ako na, maupo ka na lang diyan,” giit din ni Adrian.

          Nasa ganoon silang ayos ng biglang pumasok si Thelma. Natigilan ito, saka nagpalipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa, bago dumako sa kamay nilang dalawa ang mata nito. Agad lumayo si Nami at umiwas ng tingin.

          “O Thelma, break time mo na rin?” kaswal na tanong ni Adrian.

          “Opo Sir, kakain muna ako bago sumabak sa giyera. Pero mukhang may naistorbo ako.”

          Natawa lang si Adrian. “Come in,” anito.

          Tumabi sa kanya si Thelma. Akala ni Nami ay hahayaan na siya ng binata na kumuha ng sarili niyang pagkain, pero tinuloy nito ang naunang sinabi. Napatingin tuloy si Thelma ng ipaglagay siya ng kanin nito sa pinggan, pagkatapos ay ginitna ang bowl na nilalagyan nito ng ulam.

          “Share na tayo dito,” sabi ni Adrian.

          “Si-sige po,” sagot niya.

          Samantala, hindi gaya ng kung paano siya sinilbihan ni Adrian. Si Thelma ang kusang kumuha ng pinggan at utensils na gagamitin nito. Ni hindi ito pinagsandok ni Adrian ng pagkain.

          Lihim na napabuntong-hininga si Nami. “Nakakaloka itong boss ko, baka naman may gusto na sa akin ‘to. Jusme, nahulog pa yata sa alindog ng boobs ko itong poging Manong na ‘to!” sabi niya sa kanyang isip.

          Napapitlag si Nami ng biglang nasamid ng husto si Adrian. Agad niya itong

inabutan ng tubig, pagkatapos ay umikot siya sa kabilang mesa para hagurin ang likod nito.

          “Okay ka lang, Sir?” tanong pa niya.

          Umuubo pa rin na tumango ito saka nag-thumbs up bago uminom ng tubig. Nang makahinga na ito ng maluwag ay saka siya bumalik sa upuan.

          “Thanks,”

          “Kakagulat ka, bigla ka na lang nasasamid,” sabi ni Nami.

          Napailing si Adrian habang tila pinipigilan ang tawa. “Wala, may naalala lang ako bigla kaya ako nasamid.”

“Oh, kumain na nga lang,” sabi niya saka pinaglagay ito ng ulam sa pinggan.

          “Mawalang galang na, Sir,” biglang sabat ni Thelma.

          “Bakit?” tanong ni Adrian.

          “Nakaka-offend na kayong dalawa ha?” tungayaw nito.

          “Ano ba ‘yang sinasabi mo?” natatawang tanong ni Nami.

          “Nakakainis na, ang sweet n’yo! Umamin kayo, kayong dalawa ba?!”

          HUmagalpak silang dalawa ng tawa.

          “Hindi ah! Baliw!” tanggi niya.

          Napatingin siya kay Adrian ng makipag-high five ito. Pero sa halip na bitiwan ang kamay ay hinawakan nito iyon ng mahigpit.

          “Eh kung totoo? Okay lang sa inyo?” biglang tanong ni Adrian.

          Nanlalaki ang mga mata na tumingin siya dito. “Hala si Sir! Oy Thelma, hindi!” mabilis na tanggi niya.

          “Ay naku bet! I’m sure marami sa kasamahan natin ang matutuwa kapag nangyari ‘yan!” kinikilig na sagot ng kaibigan.

          Binawi ni Nami ang kamay mula kay Adrian.

          “Ginu-goodtime ka lang ni Sir, masyado ka naman mapagpatol! Bilisan n’yo na nga ang pagkain, para makapagpahinga pa tayo pagkatapos,” saway niya.

          Nagkibit-balikat si Adrian. “Kain daw,” anito kay Thelma.

          Matapos nilang kumain ng gabihan agad lumabas si Thelma dahil magyoyosi pa daw ito. Si Nami naman ay muling nag-ayos ng buhok at nag-retouch ng lipstick. Napakunot-noo siya ng mapansin na nakatingin sa kanya si Adrian.

          “Bakit ka nakatingin?” tanong niya.

          “Wala lang,” anito.

          Nang matapos ay agad siyang tumayo. “Una na ako, ha?” paalam niya sa boss. Lalabas na rin sana si Nami ng bigla siyang hawakan ni Adrian sa kamay.

          “Wait.”

          “Bakit Sir? May kailangan po ba kayo?” tanong niya.

          Marahan itong tumango.

          “Ano po iyon?” tanong ulit ni Nami.

          Bigla siyang hinila nito kaya muli siyang napaupo. Nagulat si Nami ng bigla itong humiga doon sa mahabang bangko at umunan sa hita niya.

          “I need you to stay here for a while. Ang totoo, kanina pa hindi maganda pakiramdam ko, for some reason, nagising ako kaninang umaga na hirap huminga. Parang may mabigat sa dibdib ko. But when you came to my house, I suddenly feel better,” sagot nito.

          Mabilis na kumabog ng malakas ang dibdib ni Nami. Alam niya na hindi normal ang nararamdaman ng mga sandaling iyon.

          “Adrian…”

          “Just for a while. Stay with me, kahit sandali lang,” mahinang sabi nito habang dahan-dahan pumipikit.

          Napansin ni Nami na nakahawak ito sa tapat ng puso nito. Gusto sana niyang

haplusin ang dibdib nito, pero nabitin sa ere ang kamay niya. Bahagya pang napapitlag si Nami ng biglang hawakan ni Adrian ang kanyang kamay, at ito mismo ang naglagay niyon sa tapat ng dibdib nito. Namalayan na lang niya ang sarili na nakangiti habang marahan hinahaplos buhok nito.

          “Gaya ng sinabi mo kanina sa akin, Adrian. Nandito lang din ako,” sabi niya sa sarili.

          Gumuhit ang ngiti sa labi ng binata, saka niyapos ang kamay niyang nahakahawak sa dibdib nito.

          “SIR, NANDIYAN na po ‘yong mga guests natin,” sabi ni Thelma pagsilip nito sa kitchen.

          “Sige, thanks,” sagot ni Adrian.

          Bago lumabas ay naghugas muna siya ng kamay, pagkatapos ay saka siya lumabas ng kitchen. Isang babae ang pumasok sa restaurant, at kasunod nito ang ilang staff, maging ang miyembro ng trio-group na Blue Light.

          Noong isang araw ay nakatanggap si Adrian ng isang tawag mula sa Manager ng grupong Blue Light na si Darlene Tolores. Pina-reserve nito ang buong restaurant para sa after party ng grupo matapos ang concert ng mga ito, kasama ang iba pang staff ng Blue Star Entertainment.

          “Chef Adrian?” nakangiting tanong ng babae.

          “Yes, Miss Darlene Tolores?” sagot niya.

          “You can call me Darie, it’s nice to meet you,” sabi nito saka nakipagkamay kay Adrian.

          “Nice to meet you too, have a seat. Kanina pa naka-handa itong restaurant para sa inyo,” nakangiting sagot niya.

          Napalingon si Adrian sa may entrance door ng may pumasok na anim na lalaki. Nang magtama ang tingin nila ng mga ito. Adrian felt something familiar from them. Hindi niya maipaliwanag kung ano. Lalo na ang apat na huling pumasok. Biglang lumakas ang kabog ng dibdib niya, pakiramdam ni Adrian ay para siyang pangangapusan ng hininga.

          “Chef, I would like you to meet the other staffs, this is Rainer, siya ang choreographer ng Blue Light. Si Raven and Justin, ang music producers, and the group themselves, si James, Sander and Hans,” pagpapakilala ni Darie sa kanila.

          Nang makipag-kamay si Adrian kay Raven at Rainer. That sense of familiarity he felt a while ago was stronger now. Lalo na ng magtama ang paningin nila ng huling pinakilala ni Darie, si Hans. Nang tanggapin ni Adrian ang pakikipag-kamay nito, parang may sumipa ng malakas sa kanyang dibdib.

          Suddenly, everything around them froze. Then, it turned into black. At tanging ang nakakasilaw na liwanag na mula sa taas ang nagbibigay ilaw sa paligid nila. Pagkatapos ay marami nang narinig si Adrian na boses sa kanyang isip. May mga nag-uusap doon, pero hindi niya alam kung kanino galing ang mga tinig na iyon.

          Kakaiba siya, nararamdaman ko.”

          “Ako rin, iba ang dating niya sa akin.”

          “Kagaya din kaya natin siya?”

          “Naririnig ko kayo, sino kayo?” hindi nakatiis na tanong ni Adrian.

          Sabay-sabay na tumingin sa kanya ang anim. Biglang napapikit si Adrian ng isang pangitain ang kanyang nakita sa isipan.

          Isang malaking anghel na tatlong pares ang pakpak ang nagtatanggol sa apat na batang anghel laban sa isang itim na anghel. May isang batang anghel, ang maliit sa kanilang lahat, nakayakap ito sa kanya at takot na takot. Pagkatapos, parang isang ipu-ipo na bumalik siya sa kasalukuyan. Nang matauhan noon lang niya napansin na naroon na siya ulit sa loob ng restaurant.

          “Nice to meet you, Chef Adrian,” sabi ni Hans.

          That voice, narinig ko na ang boses na ‘to. Sa art exhibit,” sabi niya sa kanyang isipan.

          “We’ve met, I believe,” dugtong pa ni Hans.

          Sinalubong niya ang tingin nito. “Sa Art Exhibit,” sagot niya.

          Ngumiti si Hans. “I’m glad you remember.”

          “Napansin ko kasi na gaya ko, fascinated ka din sa mga paintings about heaven,” sabi ni Adrian.

          “Tama, ikaw nga ‘yon. Natatandaan ko na,” sabi pa ni Rainer.

          Marahan siyang natawa. “Nice to see you again, and welcome to my restaurant,” sagot niya.

          “Oo, sige na, nandoon na siya kung nandoon. Pero kumain na tayo, kanina pa ako nagugutom!” putol ni Justin sa pag-uusap nila, sabay tingin sa kanya.

          “Chef, ikaw na bahala sa appetite ko,” sabi nito, sabay tapik sa balikat niya.

          “Makakaasa ka,” sagot niya.

          Nang magsiupo na ang mga ito, agad siyang humarap sa mga staff niya.

          “Guys, gaya ng sinabi ko. They are very important people, siguraduhin n’yo na excellent service ang ibibigay natin sa kanila, okay?”

          “Yes Chef!” sabay-sabay na sagot ng mga ito.

          Saglit siyang pumasok sa opisina bago pumunta sa kitchen para may kunin sandali. Pero napahawak siya ng mariin sa mesa ng biglang sumakit ang dibdib niya. Agad siyang napahawak doon, at pilit na hinahabol ang bawat paghinga.

          “Anong nangyayari sa akin? Bakit parang may lakas na nawawala sa akin!” tanong niya sa kanyang isipan.

          Pagtingin niya sa isang sulok ng kanyang opisina, nanlaki ang mga mata niya ng tila may makita siyang isang usok na hugis tao at may dalawang itim na pakpak ito. Nang pumikit siya at muling dumilat ay nawala na ito sa kanyang paningin. Sa paglipas ng bawat segundo, lalong sumasakit ang kanyang dibdib. Agad na naalala ni Adrian si Nami, nang mapalingon siya sa labas, mula sa maliit na puwang ng blind curtains na iyon. Kitang-kita niya na nakatingin si Hans sa kanya, sigurado si Adrian na nagtama ang paningin nila. Ang mga mata nito, there’s something dark with those eyes. Magkahalong lungkot at galit ang naroon. Pero parang mayroon bumubulong sa kanyang puso na kailangan nito ng tulong.

          “Haniel…” wala sa sariling bulong niya.

          “Sino si Haniel? Bakit palagi ko siyang binabanggit?” tanong ni Adrian.

          Napaupo si Adrian sa semento ng parang lalong piniga ang puso niya sa sakit. Mas lalong sumikip ang bawat paghinga niya. Muli, isang tinig ang narinig niya sa kanyang isip, pero sa pagkakataon na iyon. Mas nakakatakot, at nakakakilabot, parang nanggagaling sa ilalim ng lupa.

          “Hindi ka magiging anghel, Angelo! Kahit kailan ay hindi mabubuo ang Aurae Praelia! Mapapasa-amin ang ikapitong archanghel!”

          “Sino si Angelo?” tanong niya sa kanyang isipan.

          Kasabay noon, biglang bumukas ang pinto at bumungad si Nami. Napatakbo ito palapit sa kanya.

          “Adrian, anong nangyayari sa’yo?!” natatarantang tanong nito.

          “Sandali, hihingi ako ng tulong. Thel—”

          Bigla siyang kumapit si Adrian sa braso ni Nami, pagkatapos ay marahan umiling.

          “Huwag kang… maingay…” hirap na sabi niya.

          “Pero Adrian…”

          “Okay lang ako,” sagot niya.

          “Hindi ka okay!” giit nito. Bakas sa mukha ng dalaga ang labis na pag-aalala sa kanya. Nang ilapat ni Nami ang palad sa dibdib niya, unti-unti ay bumalik sa ayos ang pakiramdam niya.

“See? I’m okay,” nakangiti ng sabi niya.

“Sigurado ka ba?”

“Oo.”

“Ikukuha kita ng tubig,” anito, saka dali-daling lumabas.

Hindi agad nagtagal ay bumalik na rin si Nami, saka inabot sa kanya ang isang baso ng tubig.

“Kapag sumama ang pakiramdam mo. Sabihin mo sa akin agad, okay?” mahigpit na bilin nito.

“Okay,” sagot niya.

Inalalayan siyang tumayo ni Nami. “Sige na, mauna ka na sa labas. Magpapahinga lang ako ng konti, susunod na ako,” sabi ni Adrian.

“Okay,” sagot nito.

Nang mapag-isa siya. Napaupo na lang sa swivel si Adrian.

“What did just happen? Ano ‘yong nakita ko? Totoo ba ‘yon o baka namalikmata lang ako? Sino ang boses na ‘yon? Sino si Angelo at Haniel?”

Bumuntong-hininga siya at saka pumikit bago sumandal sa backrest ng upuan. Sa bawat araw na dumadaan, lalong dumarami ang katanungan niya sa isipan. Dahil parang hindi totoo lahat ng nangyayari sa kanya. Aamin ni Adrian, may mga oras na nauunahan siya ng takot. Para siyang naglalakad sa dilim na wala man lang liwanag kahit kaunti.

Angelo,” ulit niya.

Continue to read this book for free
Scan code to download App

Latest chapter

More Chapters
Explore and read good novels for free
Free access to a vast number of good novels on GoodNovel app. Download the books you like and read anywhere & anytime.
Read books for free on the app
SCAN CODE TO READ ON APP
DMCA.com Protection Status