Mag-log inSA PAGBABA ng tatlo sa pitong Archanghel, na sila Andrew, Michael at Gabriel para mabuhay kasama ang babaeng mortal na minamahal ng mga ito. Isang desisyon ang binaba ng Angel Seraphim, ang pinakamataas ang antas sa lahat ng Anghel sa buong Kalangitan. Mayroon itong tatlong pares ng pakpak, isang pares para matakpan ang mukha, isang pares para takpan ang mga paa at ang isang pares ay ginagamit para lumipad. Ang maglunsad ng ikalawang henerasyon ng pitong Archanghel na siyang magpapatuloy sa misyon ng unang henerasyon. Ang tagapag-bantay ng sangkatauhan laban sa mga pitong pinakamalakas na alagad ni Lucifer.
Mula sa anak ng unang henerasyon na archanghel, sila Uriel, Chamuel, Jophiel, Zadkiel, at ang tatlong naninirahan ngayon sa mundo na sila Andrew, Michael at Gabriel. Mabubuo ang ikalawang henerasyon ng mga Archangel na tatawaging “Aurae Praelia” o Madirigma ng Langit. Pagsapit ng mga ito sa edad na dalawampu’t lima ay lalabas ang kapangyarihan ng mga ito at magiging ganap na Anghel o Aurae Praelia. Ngunit hangga’t wala pa sa tamang edad ang mga ito, kailangan manatili ang mga batang anghel sa loob ng Epouranios, ang lugar kung saan magaganap ang pagsasanay ng mga ito.
Ang mga anak ng apat na Archanghel mula sa unang henerasyon na nanatili doon sa langit, sina Angelo, Haniel, Ramiel at Raphael. Sila ang apat na anghel magsasanay sa loob ng Epouranios. Samantala, ang tatlong anak ng mga archangel na nasa lupa ay kusang lalabas ang kakayahan at lakas ng mga ito pagdating ng tinakdang edad. Bukod doon ay ang mismong ama ng tatlo ang magsasanay sa mga ito. Hindi maaaring dalhin ang tatlo doon sa langit dahil nabuhay na ang mga ito bilang tao, at walang sino man mula sa lupa ang maaaring makapasok sa Langit ng may pisikal na katawan.
“ANGHEL Adriel, ganito po ba?” tanong ng labing-dalawang taon na si Haniel.
Hinawakan nito ang malaking espada saka tinaas. Ngunit nagpa-gewang gewang iyon sa ere dahil mabigat masyado ito para sa maliit na katawan ni Haniel.
“Uy… uy… tulong!” sigaw ni Haniel.
Nagtawanan ang mga kaibigan ni Haniel. Agad naman lumapit si Anghel Adriel dito at kinuha ang espada. Si Anghel Adriel ang pinuno ng buong Epouranios, sa pamamagitan ng kapangyarihan nito ay nababalutan ng puting kapangyarihan ang buong Epouranios, kaya walang sino man bukod dito ang makakapasok basta ng walang pahintulot nito.
“Iyan ang mangyayari sa inyo kapag sumabak kayo sa laban ng walang sapat na pagsasanay at lakas. Maaari kayong mapamahak, maging ang mga kasama ninyo,” paliwanag ni Anghel Adriel.
“Pero gusto na po namin makipaglaban at maging ganap na Praelia,” sabi naman ni Angelo.
“Hindi pa sapat ang kapangyarihan ninyo, at marami pa kayong dapat matutunan,” sagot ni Adriel.
Sumilip si Raphael sa ibaba, mula doon ay natanaw niya ang mundo.
“Ano kayang itsura ng mundo?” tanong nito.
“Ang sabi ni ama sa akin, maganda daw at masaya, pero puno daw ng kasamaan,” sagot naman ni Ramiel.
“Kaya kayo narito sa Epouranios ay para maging malakas na anghel. Nang sa ganoon ay kaya ninyong ipagtanggol mula sa mga kampon ni Lucifer ang sangkatauhan, dahil patuloy na nalulunod ang mga tao sa kasamaan. Ang tungkulin natin mga anghel ay para gabayan ang mga tao sa mabuting landas ang tahakin nila. Maliwanag ba ang sinabi ko?”
“Opo,” sagot ng mga ito.
Napalingon si Angelo sa bandang likuran niya, mula doon ay natatanaw niya
ang malaki at malawak na pinto ng langit. Pinanganak at lumaki silang lahat doon sa loob ng Epouranios. Kahit isang beses ay hindi pa nila nagagawang itapak ang mga paa sa labas ng lugar na iyon dahil na rin sa mahigpit na kautusan mula sa nakatataas. Kaya naman palagi nilang tinitingnan ang pinto ng langit mula doon.
“Anghel Adriel, ano po ba ang itsura ng loob ng Langit?” tanong ni Raphael.
Ngumiti si Anghel Adriel at tumingin din doon. “Ang loob ng kalangitan ay isang paraiso, at tanging kasiyahan at pagpupuri sa Panginoon ang iyong makikita, maririnig at mararamdaman. Sa gitna ay makikita mo ang isang trono, at nakaupo doon ang Diyos ng lahat ng Diyos, ang Hari ng mga Hari. At ang trono Niya ay matatagpuan ang mga batong jasper at carnelian, at nakapalibot doon ang bahaghari. Napapaligiran ang tronong iyon ng dalawampu’t apat pang trono, at nakaupo doon ang dalawampu’t apat na tinalagang alagad ng Diyos, na may kulay puting kasuotan at gintong korona. At napapaligiran ang trono ng Diyos ng pitong sulo ng apoy, na kinakatawan ng pitong espiritu ng Diyos. At paligid ng niyon ay ang Anghel Seraphim, na may anim na pakpak, na pumupuri sa Kanya, na may gawa ng lahat.”
Ngumiti si Angelo. “Magiging magaling po akong Archanghel, Anghel Adriel. Gusto po Siyang paglingkuran ng buong puso at tapat. Pagbubutihin ko po ang angking pagsasanay dito sa Epouranios.”
Ginulo ni Anghel Adriel ang buhok ni Angelo. “Magaling, sigurado akong matutuwa sa iyo ang ating Panginoon,” anito.
Biglang lumapit si Haniel at nagtaas ng kamay. “Ako rin po!”
“Ako rin po!” sabay na sabi ni Raphael at Ramiel.
Marahan itong natawa. “Naniniwala ako na magiging magiting kayong Mandirigma ng Langit,” sabi nito.
“O, sige na, pumunta na kayo sa susunod ninyong pagsasanay,” dugtong ni Adriel.
Papunta na sila sa susunod nilang guro ng mapahinto si Angelo at mapansin ang magandang kapaligiran ng Epouranios. Mukha itong paraiso sa ganda, hindi natutuyo o nalalanta ang mga puno at halaman, habang-buhay ang ganda ng bawat bulaklak. Napangiti si Angelo ng makitang tumakbo si Haniel sa isang puno at sumakay sa isang duyan. Nakangiti ito habang tinutulak ni Raphael at Ramiel. At mula doon sa loob ng Epouranios ay tanaw niya ang napakaganda at malaking pinto ng kalangitan.
“Mga batang Praelia, umpisahan na natin ang pagsasanay,” tawag ng guro nila.
Tumalon mula sa duyan si Haniel, at nagtakbuhan ang tatlo palapit sa guro. Nakangiti lang na sinundan niya ang mga ito.
“Nagawa ba ninyo ang sinabi kong pag-aralan kahapon?” tanong nito.
“Opo!” sagot nila.
“Raphael, gusto kong makita ang gagawin mo,” sabi ng guro.
Tumayo ito sa gitna at kinuha ang palaso at pana, pagkatapos ay inasinta nito ang isang puno saka pinakawalan ang pana. Tumama sa pinakagitna iyon, na siyang hinangaan ng guro nila.
“Magaling, oh, sunod naman si Ramiel,”
Tumayo naman ito saka kinuha rin ang palaso at pana. Gaya ni Raphael ay tumama iyon sa pinakagitna. Nang si Haniel naman ang sumunod, natawa sila ng malakas dahil sa malayo tumama ang pana nito.
“Nakakainis naman,” maktol nito.
“Kailangan mo pa magsanay ng mabuti, Haniel,” anang guro nito.
Natatawa na hinaplos niya ang ulo nito. “Hayaan mo, maaasinta mo rin ng maayos ‘yan. Mamaya turuan kita,” sabi pa ni Angelo.
Biglang lumiwanag ang mukha nito. “Talaga, Angelo?”
“Oo nga,” sagot niya.
“O Angelo, ikaw na ang sumunod,” sabi ng guro sa kanya.
Kinuha niya ang palaso at saka maingat na nilagay ang pana doon. Pero imbes na sa target ia-sinta ang pana, inasinta niya ang bunga ng punong iyon, pagkatapos ay saka pinakawalan ang pana. Tinataman niya ang bunga at agad na bumagsak iyon sa lupa.
“Wow! Ang galing!” puno ng paghanga na sabi ni Haniel, saka napatayo habang pumapalakpak pa ito.
Nakangiting tumingin siya sa guro nila.
“Magaling Angelo,” puri sa kanya ng guro.
“Salamat po,” sagot niya.
Nilapitan niya ang bunga ng puno na tinamaan ng pana niya, pagkatapos ay kinuha niya iyon saka binigay kay Haniel.
“’Yan, para hindi ka na malungkot,” sabi niya.
“Salamat!” masayang sagot ni Haniel at agad na kinuha ang bigay niyang prutas.
Habang masaya silang nagka-klase, nagulat na lang ang lahat doon sa Epouranios ng biglang yumanig ang buong paligid.
“Anong nangyayari?” gulat na tanong ni Ramiel.
“Dumito lang kayo, titingnan ko kung anong nangyayari,” anang guro nila, at agad na lumipad ito palabas ng Epouranios.
Mayamaya ay biglang na naman yumanig ang paligid. Kasunod niyon, ay marami ng anghel ang nagsilipad sa kalangitan, dala ang iba’t ibang sandata.
“Isang digmaan,” ani Angelo.
“Digmaan?” ulit ni Ramiel.
Marahan siyang tumango. “Kabutihan laban sa kasamaan. Naghasik na naman ang kampon ng kasamaan,” sagot niya.
“Halika, tingnan natin,” yaya sa kanila ni Haniel.
“Hindi maaari, nakalimutan mo na ba? Hindi tayo maaaring lumabas ng Epouranios dahil hindi pa sapat ang lakas natin. Wala pa rin tayong sapat na
kapangyarihan para labanan ang mga kampon ni Lucifer!” paliwanag ni Raphael.
Napaatras silang lahat ng mula sa itaas ay isang itim na usok ang nagpaikot-ikot. Nayanig ang buong Epouranios ng subukan nitong pumasok doon, pero nabigo ito, dahil protektado ang buong paligid ng puting kapangyarihan ni Anghel Adriel. Sa pangalawang pagkakataon ay sinubukan ng itim na usok na iyon na pumasok pero nabigo ulit ito. Kasunod niyon ay biglang dumating si Angel Adriel, mula sa itim na usok ay lumabas ang tunay na anyo nito. Isang itim na anghel na may nakakatakot na mukha.
“Ako ang harapin mo Lucifer!” panghahamon ni Adriel.
Isang nakakatakot na tawa ang lumabas mula dito.
“Adriel, nagkita tayo ulit, kaibigan,” sabi nito.
“Simula ng traydurin mo ang ating Panginoon, naputol na rin ang pagkakaibigan natin,”
“Huwag mo akong idamay diyan sa kalokohan mo Adriel. Ako ang Panginoon sa aking mundo,” ani Lucifer.
“Anong pakay mo dito sa Epouranios?” tanong ni Adriel.
“Nabalitaan namin na bumubuo kayo ng bagong henerasyon ng mga archangel! Gusto ko lang silang makilala,” sagot nito.
“Hindi mo sila kailangan makilala. Layuan mo ang mga bata, kilala kita, tuso ka at alam ko na may iba pa kayong plano!”
Muling tumawa si Lucifer.
“Wala akong alam sa sinasabi mo,” sagot nito.
Nilabas ni Adriel ang espada nito, at nagsimula ang laban ng dalawa. Matapos ang ilang sandali, sa kasamaang palad ay tinamaan si Adriel ng espada ni Lucifer.
“Anghel Adriel!” umiiyak na sigaw nila.
Dahil nasugatan si Adriel, ang kapangyarihan na nagpo-protekta sa buong Epouranios ay nawala, kaya malayang nakababa si Lucifer doon. Sumiksik sa likod ni Angelo ang mga kaibigan. Takot ang naramdaman niya ng makaraharap ang Hari ng Kasamaan.
“Sabihin n’yo sa akin mga bata, nasaan ang tatlo n’yo pang kasama?”
“Wala kaming alam! Hindi pa namin sila nakikilala!” nanginginig ang boses na sagot niya.
“Hindi dapat kayo mabuhay! Hindi dapat matuloy ang Aurae Praelia!” sigaw nito saka tinaas ang espada.
Agad pumikit si Angelo. “Panginoon, tulungan po Ninyo kami!” mabilis niyang dalangin.
“Lucifer!”
Hindi natuloy ang pagpatay sa kanila ng biglang dumating si Anghel Seraphim. Agad na humarap si Lucifer. Mula sa likod nila ay biglang dumating ang apat pang Kampon nito at isa-isa silang hinawakan. Nagsigawan sila habang panay ang piglas.
“Anghel Seraphim! Tulong po!” umiiyak na sigaw ni Ramiel.
Kita ang pagbakas ng galit sa mukha nito. Nakita ni Angelo na hindi lang isang pares, kung hindi maging ang dalawa pang pares ng pakpak nito ang bumuka.
“Bitiwan mo ako!” sigaw niya.
Tumawa lang ang itim na anghel na may hawak sa kanya.
Naglaban si Anghel Seraphim at Lucifer. Ngunit mas malakas di hamak ang una sa kampon ng dilim. Nang maramdaman ni Lucifer na matatalo na ito ni Seraphim ay bigla itong nawala. Ang mga may hawak sa kanila ay agad na sumugod, ngunit gaya ni Lucifer ay natalo din ang mga ito.
“Dumito lang kayo, at huwag na huwag kayong lalabas ng Epouranios,” bilin sa kanila.
“Opo,” sagot nila.
Makailang sandali pa ang lumipas, sumilip si Angelo sa ibaba. Tumambad sa paningin niya ang digmaan nagaganap, Kabutihan laban sa kasamaan. Naiyak siya
ng makita ang ilang anghel na natatalo ng mga kalaban.
“Angelo, si Anghel Adriel,” umiiyak na tawag sa kanya ni Haniel.
Agad siyang lumapit sa pinakamalapit nilang pinuno at guro ng Epouranios.
“Angelo,” anito kahit hirap ng huminga.
“Ikaw… ang mas… nakakatanda… ikaw ang mag… alaga… at… magtanggol sa kanila… balang araw… magiging malakas kayong anghel. Gaya… ng inyong mga ama…”
“Huwag na po kayong magsalita,” sabi niya saka tumingin kay Raphael.
“Raphael, pagalingin mo siya,” aniya.
Hinawakan nito ang sugat ni Anghel Adriel, pero hindi tumalab ang kapangyarihan ni Raphael.
“Hindi pa sapat ang kapangyarihan n’yo, kaya mag-iingat kayo,” sabi ni Adriel.
“Opo,” sagot niya.
Humugot ng isang malalim na hininga si Adriel, pagkatapos ay tuluyan na itong pumikit. Umiiyak na sinundan lang nila ito ng tingin habang umangat ito sa ere saka binalot ng liwanag hanggang sa mawala ito sa kanilang paningin. Galit na tumingin sa ibaba si Angelo. Si Anghel Adriel ang tinuturing nilang ikalawang ama. Mula pa noon unang araw nila doon sa Epouranios ay ito na ang nagturo sa kanila. Mahigpit ito pero mabait at parang tunay na anak ang turing sa kanila. Kaya hindi papayag si Angelo na wala siyang gagawin para mabigyan ng katarungan ang pagkamatay ni Anghel Adriel.
Puno ng luha ang mga mata, kinuha ni Angelo ang palaso at pana. At sa likod niya at lumabas ang kanyang pakpak. Napalingon siya kay Raphael ng bigla siyang hawakan nito sa braso.
“Anong gagawin mo, Angelo? Alam mong hindi tayo puwedeng bumaba! Hindi pa sapat ang lakas natin! Baka mapahamak tayo!” awat nito sa kanya.
“Hindi ko kayang tumayo lang dito at walang gawin, Raphael! Namatay si
Anghel Adriel sa pagtatanggol sa atin! Kailangan mabigyan ko ng hustisya ang pagkamatay niya!” giit niya.
“Pero baka kung anong mangyari sa atin!” ani Ramiel.
“Kung gusto n’yo, dito lang kayo. Basta ako, bababa!” determinadong sagot niya.
Agad lumipad pababa si Angelo. Narinig niyang tinawag siya ng mga kaibigan pero hindi siya lumingon. Mayamaya ay nakita na lang niya na kasunod na ang mga ito. Napangiti siya. Ang totoo, natatakot siya dahil alam niya ang puwedeng mangyari sa ginawa. Pero magtitiwala siya sa kakayahan at mga tinuro sa kanya ni Anghel Adriel.
Paglapit nila sa mismong lugar ng digmaan, agad na inasinta ni Angelo ang mga kalaban. At sa bawat pagbitaw niya ng pana ay agad na tumatama ang mga iyon sa target niya. Gayundin ang ginagawa nila Raphael at Ramiel. Samantalang si Haniel ay nagtatago sa likod niya.
“Natatakot ako, Angelo!” sabi nito.
“Huwag kang lalayo sa akin!” sagot niya.
“Pero gusto kong makatulong,” anito.
“Isipin mo na lang ang mga tinuro ni Anghel Adriel sa atin,” sagot niya.
Marahan itong tumango saka sinubukan gumamit ng pana. Sumigaw ito sa tuwa ng tumama sa kalaban.
“Marunong na ako!” masayang bulalas nito.
“Haniel, sa likod mo!” sigaw ni Ramiel.
Paglingon ni Angelo ay nakita ang isang itim na anghel na palapit at sasaksakin dapat ng espada si Haniel sa likod. Agad niya itong nahila papunta sa likod, sabay asinta ng pana at agad na pinakawalan iyon. Ngunit ang hindi nagpahandaan nilang apat ay ang pagbalik ni Lucifer. Sa bawat pagkawala ng kanyang pana ay nasasalag nito. Hanggang sa palibutan sila ng mga kampon nito.
“Aurae Praelia, ito na ang katapusan ninyo. Walang ikalawang henerasyon ng mga Archanghel. Hindi ako papayag na makialam kayo sa mga plano ko sa mundo, hindi ninyo ako mapipigilan,” sabi ni Lucifer.
Isa-isa silang kinuha ng mga kampon nito. At inumang sa kanila ang espada.
“Lucifer!” malakas na sigaw ng Supremo ng mga Anghel, na si Daniel. Ang sumunod sa mataas pagkatapos ni Anghel Seraphim.
“Bitiwan mo ang mga bata!”
Mayamaya ay dumating maging si Anghel Seraphim. Nakipaglaban ang dalawang pinuno ng mga anghel kay Lucifer, maging sa mga kampon nito. Nang matalo ni Supremo ang mga kampon ni Lucifer ay saka sila nilapitan nito.
“Nasaktan ba kayo?” tanong ng Supremo.
“Hindi naman po,” sagot ni Haniel.
Napalingon sila kay Anghel Seraphim ng bigla itong sumugod kay Lucifer at ng magtama ang espada ng dalawa ay may liwanag at malakas na puwersa ang lumabas mula doon, kaya yumanig ng husto ang paligid. Bukod doon ay parami ng parami ang kampon ng dilim na sumusugod.
Tinulak ni Seraphim at Lucifer ang isa’t isa kaya nakalapit sa kanila ang una.
“Daniel, mas mabuti siguro kung itago muna natin ang mga bata sa tatlong archangel sa lupa. Hindi ligtas ang Epouranios sa mga sandaling ito, kapag natapos na ang digmaan ay saka natin sila kukunin ulit. Kung naroon sila at magtago bilang isang tao, mahihirapan ang mga kalaban na mahanap sila dahil mawawala ang kapangyarihan nila. Gusto ni Lucifer na patayin ang apat na bata para mapigilan ang pagbuo sa Aurae Praelia,” narinig ni Angelo na sabi ni Anghel Seraphim.
“Masusunod,” sagot ng Supremo.
Nang bumaba sila sa mundo. Biglang nakaramdam ng panghihina ni Angelo, maging ang tatlo pa nilang kaibigan. Nakaramdam siya ng antok, ni hindi niya kayang idilat ang mga mata, pero naririnig niya ang mga nangyayari sa paligid. Namalayan na lang niya na lumulutang sila sa hangin, parang biglang gumaan ang pakiramdam at tila nawala ang kanyang pakpak.
Payapa. Wala siyang ibang naririnig kung hindi ang ihip ng hangin. Mayamaya, biglang umingay. Hindi niya maipaliwanag pero kakaiba ang mga ingay na iyon sa kanyang pandinig. Hanggang sa isang boses ang narinig niyang kausap ng Sumpremo.
“Siya si Haniel, anak ni Zadkiel. Ipagkakatiwala ko muna siya sa inyo, mayroon malaking digmaan ang nagaganap ngayon sa Kalangitan. At nais ni Lucifer na patayin ang mga batang ito para mapigilan ang pagbuo ng ikalawang henerasyon ng mga Archangel. Nasira ang Epouranios dahil namatay sa digmaan si Adriel. Walang ibang ligtas na lugar kung hindi dito,” narinig niyang sabi ni Supremo.
“Huwag po kayong mag-aalala, kami na po ang bahala sa kanya,” sagot ng isang tinig ng lalaki.
“Haniel…” aniya sa kanyang isipan.
“Kailangan ko ng umalis, Andrew. Ikaw na ang bahala kay Haniel, kapag maayos na ang lahat sa Epouranios ay babalikan ko siya. Silang tatlo naman ay dadalhin ko sa iba n’yo pang kasama dito sa lupa. Kailangan kong magmadali dahil mabilis ang paghina ng kapangyarihan nila.”
“Sige po Supremo. Mag-iingat kayo,” sagot ng lalaki na tinawag na Andrew.
Muling naramdaman ni Angelo ang paglipad nila. Ngunit hindi nagtagal ay bigla silang huminto.
“Huwag n’yong sasaktan ang mga bata!” narinig niyang sabi ng Supremo.
Kahit mabigat ang mga mata ay pinilit ni Angelo na dumilat, naaninag niya ang pagdating ng mga itim na anghel. At sa pakikipaglaban ni Supremo, biglang napadilat si Angelo ng tuluyan matapos maramdaman ang tila pagkawala ng lakas sa katawan niya.
Hanggang sa namalayan na lang niya ang pagbulusok nila pababa. Umalingawngaw ang malakas na sigaw nilang tatlo.
“Angelo! Ramiel! Raphael!” malakas na sigaw ni Supremo.
“Supremo!” sigaw niya.
Hanggang sa unti-unti ay tuluyan na siyang mapapikit, at nawalan ng malay ng hindi alam kung saan siya napunta.
“READY KA na ba para mamaya?” tanong ni Darie sa kanya. Marahan siyang tumango at pinilit na ngumiti. Doon sa Chef’s Face ang usapan nilang dalawa ni Darie na magkikita. Mula doon ay sasama siya sa hotel nito at magkasabay silang lilipad papunta ng Seoul, South Korea.
“ANONG sinabi mo?!” gulat na tanong ni Adrian pagbalik niya sa Chef’s Face. Napapitlag si Thelma dahil sa biglang paglakas ng kanyang boses.
“KAPIT KA ng mabuti,” sabi ni Adrian sa kanya. Agad sinunod ni Nami ang sinabi ng binata at yumakap ng mahigpit sa beywang nito. Lumakas ang kabog ng dibdib niya, isipin pa lang niya na ililipad siya ni Adrian ay talagang kinakabahan na siya. Ngunit ng maramdama
DAHAN-DAHAN nilapat ni Adrian ang mga paa sa sahig, mula doon sa sala ng condo niya, lumagos siya sa nakasaradong pinto papunta sa loob ng kuwarto. Natagpuan niya si Nami na himbing na natutulog. Agad siyang bumalik sa normal na anyo bilang tao, at maingat na naupo sa gilid ng kama. Marahan niyang hinaplos ang pisngi ni Nami, saka kinuha ang kamay at hinalikan ang likod niyon.
NAALIMPUNGATAN si Adrian, matapos siyang magising ng wala sa tabi niya si Nami. Paglingon niya ay wala ito doon sa kuwarto, napangiti siya ng maramdam niya ang malakas na presensiya ng dalaga. Mula doon sa loob ng kuwarto bigla siyang sumulpot sa likuran nito. Napangiti si Adrian ng makitang isang mahabang t-shirt ang suot niya ang suot at napaka-igsing shorts.
ONE YEAR LATER… “Bill out for table number six,” sabi ni Nami kay Thelma.